Balikatan 2025, umarangkada na

0
48

MAYNILA. Pormal nang sinimulan nitong Lunes, Abril 21, ang ika-40 edisyon ng taunang Balikatan war games sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, na may temang BK 40-25, kung saan inaasahang magsasagawa ng full battle scenario sa ilang piling lugar sa bansa, partikular sa Luzon.

Pinangunahan mismo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang pagbubukas ng malawakang military exercise.

Ayon sa AFP, nasa 6,000 tropa ng Pilipinas ang kalahok sa war drills habang nasa 12,000 naman mula sa United States Armed Forces. Bukod dito, nakiisa rin ang mga sundalo mula sa iba’t ibang bansang kaalyado: Australia (200 personnel), Japan (56), United Kingdom (11), France (2), at Canada (2).

Samantala, labing-anim (16) na bansa ang nagsisilbing observers sa war games: Brunei, Canada, Czech Republic, France, Germany, India, Indonesia, Lithuania, Malaysia, Netherlands, New Zealand, Republic of Korea, Singapore, Thailand, United Kingdom, at Vietnam.

Isa sa mga tampok ngayong taon ay ang pagpapakita ng makabagong kakayahan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng deployment ng “NMESIS” (Navy/Marine Expeditionary Ship Interdiction System) anti-ship missile system. Idedeploy ito malapit sa isang mahalagang chokepoint sa hilagang bahagi ng Luzon bilang bahagi ng pagpapalakas ng maritime defense.

Kabilang sa mga battle scenarios na isasagawa ay ang missile defense, counter-landing live fire exercise, maritime strike, maritime key terrain security operations, at isang multilateral maritime event kung saan inaasahang lalakas ang ugnayan ng mga kasaping bansa sa larangan ng seguridad.

Magtatagal ang Balikatan 2025 hanggang Mayo 9, at layon nitong patatagin ang interoperability at mutual defense capabilities ng Pilipinas at ng mga kaalyado nito sa gitna ng tumitinding tensyon sa Indo-Pacific region.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.