Mayor ng Rizal, Cagayan, patay sa pamamaril habang nangangampanya

0
59

RIZAL, CAGAYAN. Patay sa pamamaril si Atty. Joel Ruma, kasalukuyang alkalde ng Rizal, Cagayan at muling tumatakbo sa parehong posisyon, habang dalawa pa ang sugatan matapos pagbabarilin sa isang campaign rally sa loob mismo ng barangay hall ng Iluru bandang 9:30 ng gabi, Miyerkules.

Ayon sa paunang ulat, isinagawa ang kampanya sa loob ng barangay hall nang biglang sumalakay ang mga hindi pa nakikilalang suspek at pinaulanan ng bala ang lugar. Napatay si Mayor Ruma habang sugatan naman sina Merson Abiguebel at Melanie Talay, mga residente ng barangay Iluru.

Kaagad na nagsagawa ng manhunt operations ang Rizal Municipal Police Station upang tugisin ang mga salarin. Isa sa mga tinitingnang motibo ng krimen ay ang nalalapit na halalan, pati na rin ang dating kinakaharap na kasong legal ng alkalde.

Matatandaang noong halalan ng Mayo 2022, si Ruma ay nangangampanya lamang sa radyo habang nagtatago sa batas dahil sa kasong kinakaharap, subalit nanaig pa rin ito sa laban. Nagtala siya ng 5,746 boto kontra sa 4,405 ni dating Phil. Air Force General Ralph Mamauag. Muli siyang tumatakbo ngayong 2025 kasama ang kanyang maybahay na si Vice Mayor Brenda Ruma.

Tatlong kandidato ang maglalaban sa pagka-alkalde sa Rizal: si Mamauag, si Florence Littaua, at ang nasawing si Ruma. Sa pagka-bise alkalde naman, makakaharap ni Brenda Ruma sina Konsehal Pastor Boyet Ligas Jr. at Edilberto Jose Jr. May kabuuang 19 kandidato rin para sa Sangguniang Bayan.

Sa pahayag ng isang taga-suporta ni Ruma na hindi nagpabanggit ng pangalan, sinabi nito: “Hindi lang siya lider, kundi haligi ng komunidad. Masakit at nakakabigla ang sinapit niya.”

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Ang karahasan sa kampanya ay muling nagbigay-diin sa panganib na dala ng politika sa ilang bahagi ng bansa, lalo na’t papalapit na naman ang halalan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.