Malakanyang, nababahala sa ulat ng posibleng pakikialam ng China sa halalan 2025

0
48

MAYNILA. Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Malakanyang kaugnay ng ulat mula sa National Security Council (NSC) na may indikasyon umano ng pakikialam ng China sa nalalapit na halalang pambansa at lokal sa Mayo 2025.

Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sisimulan na ang mas malalim na imbestigasyon ukol sa nasabing isyu.

“Sa ngayon po, ang sinabi po sa atin ay pag-iimbestigahan pa po muna para malaman natin kung ano pa po ang mga detalye dito at kung ano po ang napapaloob sa mga ganitong klaseng pangyayari. So, ang iba pa pong mga detalye ay maaari po nating matanong or aming kakausapin muli ang National Security Council,” ani Castro.

Dagdag pa niya, ipinaabot na sa kaalaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat, at iginiit na kinakailangan ng “agaran, mas malalim na pag-imbestiga.”

Sa naunang pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, inihayag ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na may operasyon umanong isinasagawa ang Chinese state-sponsored actors sa Pilipinas na naglalayong impluwensyahan ang eleksyon.

“There are indications that information operations are being conducted… are Chinese state-sponsored in the Philippines and are actually interfering in the forthcoming elections,” pahayag ni Malaya.

Ayon sa kanya, layon ng mga operasyong ito na itaguyod ang mga kandidatong maka-China at siraan ang mga tumutuligsa sa Beijing.

“Yes, there are indications of that,” tugon ni Malaya nang tanungin kung may partikular na mga kandidato na sinusuportahan ang China.

Dagdag pa niya, may mga nakikita silang naratibo mula sa China na kaakibat ng mga mensahe mula sa mga “local proxies” sa Pilipinas, tulad ng mga komentaryo kaugnay ng Balikatan exercises. Aniya, inuulit ng mga lokal na kasabwat ang linya mula Beijing na ang nasabing military exercise ay “isang banta sa ating regional peace and stability.”

Kinumpirma rin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang mga natanggap nilang impormasyon ukol sa mga automated bot mula sa ibang bansa na ginagamit upang palakihin ang mga isyung tumutuligsa sa Comelec o sa halalan.

“Mayroon tayong natanggap na intelligence information coming from different agencies na kasama natin. Kahit ‘yung nakikita sa social media na tumutuligsa sa Comelec o sa proseso, naka-automatic bot po ‘yun. Ito ay nanggaling sa ibang bansa at hindi sa atin bansa. Pero may mga ginagamit dito upang masigurado na kung ano ima-magnify o palalakihin na isyu, ‘yun ang makikita ng sambayanan,” ani Garcia.

Sa kabila nito, tiniyak ni Garcia na ang darating na halalan sa 2025 ay magiging patas at tapat.

Samantala, mariing itinanggi ng China ang alegasyon ng pakikialam. Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun sa isang press conference noong Huwebes, Abril 24, “China follows the principle of non-interference in other countries’ domestic affairs. We have no interest in interfering in Philippine elections.”

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang tiyaking hindi maaapektuhan ang integridad ng halalan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.