Comelec: Pamimigay ng ayuda bawal muna sa May 2-12, P20 bigas tuloy

0
45

MAYNILA. Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbabawal ang pamimigay ng anumang uri ng ayuda mula Mayo 2 hanggang Mayo 12, 2025, kasabay ng 10-araw na election ban bago ang nakatakdang halalan sa Mayo 12.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, saklaw ng pagbabawal ang mga programang nagbibigay ng tulong gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program. Tanging medikal at burial assistance lamang ang pinapayagan sa ilalim ng exemption.

Babala pa ni Garcia, ang mga lalabag sa nasabing kautusan ay posibleng maharap sa kaso. Aniya, ayon sa Omnibus Election Code, may kalakip na parusang pagkakakulong para sa mga lalabag sa mga election offense.

Samantala, hindi kasama sa ipinagbabawal ang P20 rice project ng Department of Agriculture. Nilinaw ng Comelec na pinapayagan itong ipagpatuloy ngunit dapat sundin ang itinakdang mga kondisyon, tulad ng pagbebenta ng subsidized na bigas sa mga pampublikong lugar at pagbibigay ng malayang access sa media upang masiguro ang transparency sa implementasyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.