MAYNILA. Ipinatupad na ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status simula Sabado, Mayo 3, bilang paghahanda sa seguridad para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa isang ambush interview nitong Biyernes, kinumpirma ni PNP chief Police General Rommel Marbil ang direktiba.
“We’re 100%. We are in full alert starting tomorrow,” pahayag ni Marbil.
Ayon pa sa hepe ng PNP, naka-deploy na sa mga rehiyon ang mga pulis na tututok sa seguridad ng halalan, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na itinuturing na election hotspot.
“Ang mga tao po namin nasa ground na po. Yung mga taong tutulong po sa election that will be manning the election nandoon na po sa BARMM. Eighty percent po nandoon na lahat kasi yun po yung needed dyan but right now we’re 100%. Nandito na po yung pulis natin,” dagdag ni Marbil.
Batay sa pinakahuling ulat ng PNP, umabot na sa 35 ang bilang ng validated election-related incidents (ERIs) sa iba’t ibang panig ng bansa. Patuloy pa rin ang beripikasyon ng pitong hinihinalang ERIs na naitala sa Cagayan Valley, Bicol Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region (CAR), at Metro Manila.
Nakatakdang ganapin ang eleksyon sa Mayo 12, 2025. Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang mga lugar na may potensyal sa kaguluhan upang matiyak ang isang mapayapa at maayos na halalan.
Handa rin ang PNP na makipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) at iba pang ahensya para sa ikatatagumpay ng halalan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo