MAYNILA. Mariing itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) ang kumakalat na maling impormasyon sa social media na nagsasabing hindi makakaboto ang sinumang walang dalang National ID sa halalan.
Tinukoy ng Comelec ang isang post na nagsasaad ng: “Public Advisory: NO NATIONAL ID NO VOTE, BRING YOUR National ID on May 12 mandatory”, at binansagan ito bilang isang malinaw na panlilinlang.
“Fake News po. This is another orchestrated disinformation po intending to discredit Comelec and our electoral processes,” pahayag ni Comelec spokesperson Atty. John Rex C. Laudiangco nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay Laudiangco, ang nasabing graphic na kumakalat ay hindi mula sa Comelec at hindi rin ito nailathala sa alinman sa kanilang official at verified social media platforms. Giit niya, walang patakaran ang Comelec na nagsasabing kailangan ng National ID upang makaboto sa darating na May 12, 2025 National and Local Elections.
Paliwanag pa ni Laudiangco, “Hihingan lang na magpakita ng valid ID ang botante kung sakaling hindi matiyak ang kanilang pagkilanlan sa pamamagitan ng EDCVL (Election Day Computerized Voters List).”
Nanawagan din ang Comelec sa publiko na mag-ingat sa mga pekeng impormasyon at i-verify ang mga advisory sa kanilang official Facebook, Twitter/X, at Instagram accounts upang maiwasan ang kalituhan sa nalalapit na halalan.

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo