SUV, sumagasa sa departure area ng Terminal 1; 2 patay, 4 sugatan

0
135

MAYNILA. Dalawa ang nasawi at apat ang sugatan matapos sumalpok ang isang sport utility vehicle (SUV) sa departure entrance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kaninang umaga, Linggo, Mayo 4, 2025.

Ayon sa Pasay City Police Substation 8, naganap ang insidente bandang alas-8:50 ng umaga. Biglang sumugod ang SUV sa mga harang at bumangga sa ilang tao na nasa labas ng paliparan.

Kinumpirma ng Philippine Red Cross sa isang Facebook post na kabilang sa mga nasawi ay isang lalaking nasa hustong gulang at isang apat na taong gulang na batang babae. Dagdag pa nila, limang ambulansiya, dalawa mula sa NHQ Tower at tig-isa mula sa Port Area, Pasay, at Maynila, ang agad na ipinadala sa lugar ng insidente. Labingwalong volunteers at isang rescue vehicle na may apat na responders ang rumesponde rin para sa posibleng extrication operations.

Kinumpirma naman ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang operator ng paliparan, na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang driver ng SUV.

“The area has since been secured, and access is now limited to authorized personnel from NNIC, the Philippine National Police, and MIAA Security, who are currently conducting a full investigation,” pahayag ng NNIC.
“At this time, we are awaiting official confirmation on the cause of the incident and reports of injuries. We are closely coordinating with all concerned agencies to gather accurate information,” dagdag pa nila.

Samantala, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang sinuspinde ang lisensya ng driver habang iniimbestigahan ang insidente. Tatagal ang preventive suspension ng 90 araw. Naglabas din ng show cause order ang LTO sa parehong driver at rehistradong may-ari ng sasakyan.

Batay sa paunang ulat, sinabi ng LTO na patapos nang maghatid ng pasahero ang driver sa departure area nang biglang may sedan na tumawid sa kanyang harapan. Dahil dito ay napakadyot siya at imbes na preno ang apakan ay ang silinyador ang naapakan nito.

Nagpahayag naman ng pakikiramay at suporta ang NNIC President na si Ramon S. Ang sa mga biktima ng insidente.

“This is a very tragic incident. Our priority now is to make sure the victims and their families receive the support and care they need,” ani Ang sa isang opisyal na pahayag. Nangako rin siyang siya mismo ang sasagot sa gastusing medikal ng mga nasugatan at magbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang tunay na sanhi ng insidente at kung may kapabayaan na naganap sa seguridad sa paliparan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.