Pinoy migrants, balak ipatapon ni Trump sa Libya

0
66

MAYNILA. Tinawag ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na malupit at hindi makatarungan ang plano ng Estados Unidos na ipa-deport sa Libya ang mga Asian immigrants, kabilang na ang mga Pilipino. Ang naturang hakbang ay bahagi ng kampanya ni US President Donald Trump para ipatupad ang kanyang mga pangako sa mga mamamayan ng Amerika.

Ang plano ni Trump ay umani ng malawakang pagkondena mula sa iba’t ibang bansa at mga human rights advocates, na nag-aalala tungkol sa kaligtasan at kapakanan ng mga imigrante sa Libya, isang bansa na kilala sa kasaysayan ng malupit na pagtrato sa mga migranteng dumaraan doon.

“Ang mga Pilipino ay hindi mga kamelyo na itatapon sa ilang disyerto ng Libya. Sila ay mga tao na karapat-dapat na bigyan ng lahat ng karapatan ng isang estado na nag-aangking pinahahalagahan at itinataguyod sila,” pahayag ni Escudero. Ayon sa kanya, hindi dapat ituring na isang “parusa” ang pagpapadala ng mga Pilipino sa isang bansa na may kasaysayan ng malupit na pagtrato sa mga imigrante.

Dahil sa mga alalahaning ito, pansamantalang itinigil ng isang US judge ang deportation proceedings ng mga imigrante, kabilang ang mga Pilipino, patungong Libya. Si Judge Brian Murphy ng Massachusetts ang naglabas ng kautusan na nag-aatas ng pansamantalang suspensyon ng deportasyon, batay sa kanyang court order na inilabas noong Marso.

Ang Libya, ayon sa mga ulat, ay may malupit na kasaysayan ng pang-aabuso at kalupitan sa mga detainees. Isinasalaysay ng mga international human rights groups na ang mga migrante sa Libya ay madalas na nakakulong sa mga squalid detention centers, kung saan sila ay dumaranas ng pangingikil, pang-aabuso, panggagahasa, at iba pang uri ng karahasan. Ayon sa isang fact-finding mission na sinusuportahan ng UN, napatunayan ang mga krimen laban sa sangkatauhan sa Libya, tulad ng pagka-alipin, sapilitang pagkawala, tortyur, at pagpatay.

“It’s hell on earth for migrants,” sabi ni Tarek Megerisi, isang senior policy fellow sa European Council on Foreign Relations. “All they will have are different forms of abuse — if they are lucky enough, they will end up on a rickety boat in the Mediterranean,” dagdag pa ni Megerisi, na isang Libyan.

Nagbigay din ng panawagan si Escudero kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na suriin ang kalagayan ng mga Pilipinong nakatakdang i-deport at tiyakin na magkakaroon sila ng sapat na legal na tulong, kung kinakailangan. Ipinahayag din ng senador na handa ang Pilipinas na tanggapin ang mga Pilipinong may problema sa immigration, kung nais ng Estados Unidos na i-deport ang mga ito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.