Maagang dumagsa ang mga botante sa Laguna sa Eleksyon 2025

0
165

LAGUNA. Maagang nagparamdam ang sigasig ng mga botante sa iba’t ibang bayan ng Laguna ngayong Lunes, Mayo 12, sa pagsisimula ng halalan para sa pambansa at lokal na posisyon sa Eleksyon 2025.

Bago pa man sumapit ang alas singko ng umaga, dagsa na ang mga botante sa mga paaralan tulad ng Pedro Guevara Memorial National High School sa Sta. Cruz at San Pablo Central School sa San Pablo City. Karamihan sa kanila ay nais makaboto nang maaga upang maiwasan ang siksikan at matinding init sa kalagitnaan ng araw.

Isa sa mga naunang bumoto sa San Pablo City ay si Mayor Vicente Amante, na dumating nang maaga sa San Pablo Central School upang maisagawa ang kanyang karapatang bumoto. Ayon sa ilang residente, “Nakakatuwa pong makita ang mismong mayor na nirerespeto ang proseso ng eleksyon at bumoboto nang maaga kasama namin.”

Upang mas mapadali ang pagboto ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs), inilaan ang mga ground floor ng mga paaralan bilang kanilang voting area. Ayon kay Ginang Aurora Reyes, 72, isang retiradong guro mula sa Liliw, “Maganda po na hindi na kami pinapapila sa matataas na palapag. Malaking tulong ito sa aming matatanda.”

Sa mga paaralang gaya ng Calamba Elementary School at Biñan Integrated School, kapansin-pansin na ang mahabang pila ng mga botante sa bawat polling precinct. Kahit maalinsangan ang panahon, hindi ito naging hadlang sa mga mamamayang nais makaboto. “Para sa kinabukasan ng Laguna, titiisin ko ang init,” pahayag ni Mang Ben, isang tricycle driver mula Calamba.

May mga nakapaskil na gabay sa pagboto at Help Desk sa mga eskwelahan upang tulungan ang mga botante sa kanilang proseso. Laking gulat din ng ilang guro at guwardiya na wala nang halos namataan na mga namimigay ng sample ballots sa labas ng polling areas. “Mukhang mas disiplinado na ang mga tao ngayon,” ani ni Teacher Marissa, isang volunteer poll assistant.

Samantala, sa Sta. Rosa City, inaasahang boboto si dating alkalde Arman San Pedro sa Sta. Rosa Elementary School. Marami sa kanyang mga taga-suporta ang nagtungo roon, umaasang makikita muli ang politiko na nagnanais muling tumakbo sa lokal na puwesto. “Kagaya ng dati, dito pa rin siya bumoboto. Sana ay manalo siya muli,” ayon kay Aling Lorna, isang masugid na tagasuporta.

Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang aberya sa mga polling precinct sa Laguna, kabilang na sa mga makinang ginagamit para sa pagboto ngayong halalan. Ayon sa isang opisyal ng COMELEC-Laguna, “Maayos po ang takbo ng botohan. Patuloy ang monitoring para masigurong ligtas at malinis ang eleksyon.”

Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad at volunteers sa buong probinsya upang masigurong magiging matiwasay at maayos ang takbo ng Eleksyon 2025.

Chairman Jeng Mendoza ng Brgy. 6D, San Pablo City, nakikitang nagbabantay sa labas ng presinto kasama ang mga pulis upang masigurong maayos at mapayapa ang daloy ng halalan ngayong Eleksyon 2025.
Bumoboto si Laguna vice gubernatorial candidate Gem Amante, ka-tandem ni Cong. Dan Fernandez sa pagka-gobernador, sa isang presinto sa San Pablo City ngayong Eleksyon 2025
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.