MAYNILA. Mariing pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) ang kumakalat na alegasyon ng “dagdag-bawas” sa resulta ng 2025 senatorial race matapos mag-viral sa social media ang umano’y pagbagsak ng mahigit 5 milyong boto mula sa tally ng isang kandidato.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Comelec Chairman George Garcia na ang nasabing isyu ay nag-ugat sa pagpapalabas ng ilang media outfits ng election results gamit ang raw data mula sa Comelec data server na hindi pa umano nalilinis o nasusuri nang maayos.
“There are only two media outfits na may programang linisin muna ang raw election results bago nila ito i-publish,” paliwanag ni Garcia.
Ayon sa Comelec, ang raw data ay hindi pa dumaan sa validation o data cleaning kaya’t posibleng may mga anomalyang lumabas kung agad itong gagamitin sa paglalathala. Itinanggi rin ni Garcia ang anumang manipulasyon o pandaraya sa resulta ng halalan.
“Walang rigging. Wala pong nangyayaring dayaan. Everything is transparent,” giit ni Garcia.
Ang paglilinaw ay ginawa sa gitna ng online usapin tungkol sa umano’y “discrepancy” at “decline” ng boto ng isang kandidato, na umanong nawalan ng limang milyong boto mula sa paunang resulta.
Samantala, patuloy naman ang trabaho ng National Board of Canvassers (NBOC) at nitong Martes ay tumanggap ito ng 30 Certificates of Canvass (COC), kabilang ang mga resulta mula sa Local Absentee Voting (LAV).
Tiniyak ng Comelec na mananatiling bukas at transparent ang proseso ng pagbibilang at walang puwang ang panlilinlang sa sistema.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo