MAYNILA. Umabot sa 81.65% o katumbas ng mahigit 55 milyon sa 69,673,655 rehistradong botante ang lumahok sa Halalan 2025, na siyang nagtala ng pinakamataas na voter turnout sa kasaysayan ng midterm elections sa bansa, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang mataas na bilang ng mga bumoto ay maituturing na makasaysayan. “Base sa initial nating pagtingin, talagang dumagsa ang kabataan sa pagboto nitong nakaraang 2022 elections. Ang boses nila, gusto ng sambayanan na mapakinggan… Naniniwala ako the vote of the youth matters,” pahayag ni Garcia, na binigyang-diin ang mahalagang papel ng kabataang botante sa resulta ng eleksyon.
Mula sa kabuuang bilang ng rehistradong botante, 68,431,965 ay nasa loob ng Pilipinas habang 1,241,690 naman ang mga overseas Filipino voters.
Samantala, nakapagtala rin ang Comelec ng mataas na turnout para sa Local Absentee Voting (LAV) na umabot sa 90.23%. Ayon sa ahensya, 52,067 mula sa 57,704 na aprubadong aplikasyon para sa LAV ang aktwal na bumoto.
Noong Huwebes, muling nagpulong ang Comelec na kumikilos bilang National Board of Canvassers (NBOC) upang simulan ang pagtatala ng mga boto para sa mga senador at mga party-list organizations.
Ang Halalan 2025 ay sinasabing patunay ng lumalakas na interes ng mamamayang Pilipino, lalo na ng kabataan, sa demokratikong proseso ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo