MAYNILA. Labintatlong incumbent at incoming senador ng ika-20 Kongreso ang nagpahayag ng kagustuhan na mamuno sa Senado ang isang Senate president na may integridad, kakayahan, at pagiging bukas sa publiko, ayon kay Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson.
“Napag-usapan namin ng ilang mga senador, yung mga incumbent ngayon at tsaka yung mga incoming. Ang aim namin is to have an independent, credible, and transparent 20th Congress of the Republic of the Philippines,” pahayag ni Lacson sa isang panayam nitong Sabado, Mayo 17, matapos siyang opisyal na maiproklamang senador.
Giit ni Lacson, mahalaga ang mga katangiang ito sa lider ng Senado, lalo’t may mga usaping pambansa na nangangailangan ng matatag at tapat na pamumuno.
“Kaya kung sino man ang masuportahan, ito lang ang ating pagdidiinan, kailangan independent tayo, kailangan transparent tayo, kailangan competent tayo,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung ilang senador na ng 20th Congress ang sumang-ayon sa usapin, sagot ni Lacson: “I lost track… At least 13.”
Ayon pa sa kanya, ang mga pag-uusap ay isinagawa nang “individually,” at wala pang pinal na desisyon kung sino ang susuportahang kandidato para sa Senate presidency.
Patuloy ang mga konsultasyon sa pagitan ng mga mambabatas upang masiguro ang isang matatag at maayos na liderato sa paparating na Kongreso.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo