Dalawang suspek sa kidnap-slay kay Anson Que, arestado sa Boracay

0
50

MAYNILA. Arestado sa Boracay ang dalawang dayuhang suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Tsino na si Anson Que, kilala rin bilang Anson Tan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga suspek na bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng Special Investigation Task Group na pinangungunahan ni Police Lieutenant General Edgar Okubo.

Dinukot si Que at ang kanyang driver na si Armanie Pabillo noong Marso 29, at natagpuan ang kanilang bangkay noong Abril 9 sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran ng Police Regional Office (PRO) 4A, “The two bodies were placed in a nylon bag, tied with nylon rope, and their faces were wrapped with duct tape.” Kapwa naka-underwear lamang ang mga biktima at duguan ang kanilang ulo.

Lumabas sa autopsy na namatay sina Que at Pabillo dahil sa pagkakasakal.

Sa kabila ng pagbabayad ng ransom na aabot sa P200 milyon, pinatay pa rin ang negosyante.

Nauna nang naaresto noong nakaraang buwan ang tatlong suspek na sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao, na kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).

Ang dalawang bagong naarestong suspek ay sasailalim sa debriefing ng AKG bago i-turn over sa Bureau of Immigration para sa inquest bilang “undesirable aliens.”

Mga Itinuturong Utak, Ransom at Pondo

Isa sa mga unang naaresto, si David Tan Liao, ang nagsabing ang anak ni Anson Que na si Ronxian Gou o Alvin Que umano ang nag-utos ng pagdukot at pagpatay sa kanyang ama.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na si Alvin ang nakipagnegosasyon sa mga dumukot habang bihag pa si Que. Siya rin umano ang nagpadala ng ransom na P10 milyon sa isang cryptocurrency account noong Marso 31, at karagdagang P3 milyon sa parehong account noong Abril 2.

Ngunit, ayon sa PNP, “no corroborating evidence” ang nakita na mag-uugnay kay Alvin sa krimen kaya’t siya ay nilinis ng mga awtoridad.

Samantala, itinuturing naman ng PNP na ang mga itinuturong utak sa krimen ay sina David Tan Liao, Kelly Tan Lim, at isa pang hindi pinangalanang suspek.

Inialok ang P5 milyong pabuya para sa impormasyon sa ikaaaresto ng isa sa mga suspek, ngunit tinaasan ito sa P10 milyon. Ayon kay Brigadier General Jean Fajardo, ang pabuya ay para sa Chinese national na si Wenli Gong, na kilala rin sa mga alyas na Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling.

Sinabi rin ng PNP na dalawang casino junket operators, ang 9 Dynasty Group at White Horse Group, ang umano’y tumanggap at naglipat ng ransom na galing sa pamilya ni Que.

Ayon kay Fajardo, ang 9 Dynasty Group ay pinamumunuan ni Li Duan Wang o Mark Ong mula Fujian, China. Si Ong umano ay may mga negosyo sa Pilipinas na kinabibilangan ng sugal, remittance services, at isang hindi lisensyadong crypto exchange. Ang grupo ay sinasabing nagpoproseso ng pondo papunta sa mga crypto wallets nang walang lisensya mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at hindi rin rehistrado sa Anti-Money Laundering Council.

Ang ransom na pondo mula sa 9 Dynasty Group ay nailipat umano sa mga account nina Lin Tingyu, Deng Chengzhi, at Lin Ning. Samantala, ang White Horse Group ay naglipat naman ng pera sa mga account nina Luo Guohui at Nguyen Huy Dung.

Naitala rin na si Lin Ning ay naglipat ng pera sa isang account na nakapangalan kay Ni Qinhui, na naunang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Pebrero dahil sa hinalang espiya.

Ang ransom na nahati-hati sa iba’t ibang account ay inilipat pa sa iba pang mga account at kalaunan ay na-convert sa cryptocurrency wallets. Nahihirapan ang mga awtoridad sa pagsubaybay sa daloy ng pera sa crypto.

Gayunman, sinabi ni Fajardo na na-trace at na-freeze ng PNP ang bahagi ng ransom na ibinayad ng pamilya ni Que. Ayon sa kanya, umabot sa USD$205,942 o humigit-kumulang P11.40 milyon ang nahanap sa cryptocurrency wallet sa labas ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.

Na-freeze ito sa tulong ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG).

Ngunit, malaking bahagi ng ransom, USD$1,365,113 o humigit-kumulang P75.58 milyon ang na-withdraw na umano gamit ang USDT account na naka-base sa Cambodia. Ang naturang account ay dati nang iniimbestigahan sa Estados Unidos dahil sa hinalang money laundering.

Samantala, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon noong Mayo 8, si Alvin Que ay nananatiling respondent sa kasong kidnapping for ransom with homicide habang nakabinbin ang mosyon para siya ay tanggalin sa kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.