5-minutong responde ng pulis, inutos ni Marcos para mas mapabilis ang tugon sa krimen

0
47

MAYNILA. Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pulis na agad tumugon sa mga insidente ng krimen nang hindi lalampas sa limang minuto matapos makatanggap ng ulat.

Ayon sa kanya, layunin ng mabilis na pagresponde na mas maprotektahan ang mga mamamayan at maagapan ang anumang banta ng krimen sa kanilang mga komunidad.

Sa isang podcast interview, sinabi ni Pangulong Marcos na inutusan niya ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na siguraduhing malapit ang kapulisan sa mga tao at mayroong sapat na visibility upang pigilan ang mga krimen.

“So ang una naming ginawa, inutusan ko silang – ng DILG at saka Chief PNP – sinabi ko sa kanila, dapat laging may nakikita na pulis na naglalakad. Kasi pagtagal ng panahon, nakikilala mo na ‘yun,” ani Pangulong Marcos.

Dagdag pa niya, kapag madalas makita ang mga pulis sa mga lansangan, mas nagiging kampante ang publiko dahil nararamdaman nilang ligtas sila at nagkakaroon ng tiwala sa kapulisan bilang katuwang nila.

Bukod dito, pinuna rin ng Pangulo ang kalituhan dulot ng maraming emergency hotline numbers na umiiral sa bansa. Ipinahayag niya na magsasagawa ang gobyerno ng isang unified emergency hotline para sa mas mabilis at maayos na pagresponde sa oras ng krisis.

“Di ba mayroon tayong iba-iba eh – 119, 911, 999, kung anu-ano. Gagawin naming isa,” ani Pangulong Marcos.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon upang paigtingin ang seguridad at proteksyon sa mga komunidad sa buong bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.