MAYNILA. Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang mga grupong Alyansa na Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) at Church Leaders Council for National Transformation kaugnay ng umano’y paggamit ng isang “illegal” na server sa pagpapadala ng resulta ng halalan matapos ang 2025 Philippine elections.
Ayon sa kanila, bago makarating sa mga election watchdog gaya ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), gayundin sa media at mga dominanteng partidong politikal, ay dumaan muna umano sa tinatawag na Data Center 3 ang mga election returns (ERs).
“Itong Data Center 3, ito ang nagpadala sa PPCRV ng NAMFREL, media server, dominant majority political party, dominant minority political party. So, the presence of this is illegal and unlawful. Itong Data Center 3, ito din yung nagkonsolidate ng all election returns from all precincts nationwide all by itself,” pahayag ni Atty. Alex Lacson ng ANIM.
Mariing itinanggi naman ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing alegasyon. Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, walang tinatawag na intermediary server sa proseso.
“Kahit po sa website namin, alas siete ng gabi, available na po sa website ang lahat ng mga pinapadalang election returns. Ang dali naman po nilang i-verify kung tumutugma yung election returns na nasa website ng Comelec na real time versus yung nakuhang kopya ng election returns na hard copy o yung napikturan sa labas ng presinto. Wala pong intermediary server. Direct po,” ani Garcia.
Dagdag pa ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, tila hindi raw naunawaan ng grupo ang layunin ng Data Center 3, na ayon sa kanya ay pasilidad lamang para sa transparency servers at hindi isang intermediary server.
Aniya, kung totoong seryoso ang mga kritiko sa pagsusuri ng halalan, sana ay sumali sila sa local source code review, nag-obserba sa international certification, at lumahok sa mga walkthrough bago ang araw ng eleksyon.
“Pati na sa technical inspection hanggang sa lockdown at e-day operations, makikita nila na mali po lahat: fallacies of unwarranted assumptions,” ayon kay Laudiangco.
Bukod sa umano’y ilegal na server, inireklamo rin ng mga grupo ang pagkakaroon ng mga pre-shaded ballots at mga diperensya sa pagitan ng boto at resibong nakuha ng ilang botante.
Sagot ng Comelec, dapat magsampa ng opisyal na reklamo upang ito ay kanilang maimbestigahan. Dagdag pa nila, ang mismong balota ang itinuturing na pinakamainam na ebidensiyang maaring gamitin sa pagsisiyasat.
Samantala, may mga election protest na ring naisampa gaya ng kay dating Cebu City Mayor Mike Rama, na nagpapahayag ng pagdududa sa integridad ng automated election system.
Habang patuloy na itinatanggi ng Comelec ang mga paratang, nananawagan ang ilang grupo ng masusing imbestigasyon upang matiyak ang integridad at kredibilidad ng eleksyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo