MAYNILA. Inanunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong linggo ang panibagong balasahan sa gabinete ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng kautusan ng pangulo na magsumite ng courtesy resignation ang mga opisyal ng ehekutibo.
Ayon kay Bersamin, inilipat si Department of Energy (DOE) Secretary Raphael Lotilla upang pamunuan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), kapalit ni Ma. Antonia Yulo Loyzaga.
Habang walang itinalagang permanenteng kalihim para sa DOE, pansamantala itong pamumunuan ni dating kongresista Sharon Garin.
Sa iba pang pagbabago, itinalaga naman si Human Settlements Secretary Jose Acuzar bilang Presidential Adviser for Pasig River Development, isang hakbang na nagpapakita ng pagtutok ng administrasyon sa rehabilitasyon ng Pasig River.
Samantala, lilipat naman si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa United Nations, at papalitan siya ni Foreign Affairs Undersecretary Tess Lazaro, na opisyal na uupo bilang kalihim ng DFA simula Hulyo 31.
Nilinaw din ni Bersamin na hindi tinanggap ni Pangulong Marcos ang kanyang isinumiteng courtesy resignation.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Bersamin: “Hindi tinanggap ng Pangulo ang aking courtesy resignation. Ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatuloy ng aking tungkulin.”
Ang balasahan ay bahagi umano ng layunin ng administrasyon na higit pang mapabuti ang serbisyo publiko at tugunan ang mga isyung pangkapaligiran, enerhiya, at pandaigdigang ugnayan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo