Gatas hindi gamot sa TB, ayon sa mga eksperto

0
44

MAYNILA. Hindi gamot sa tuberculosis (TB) ang gatas. Ito ang mariing paalala ng Philippine College of Physicians (PCP) at Philippine College of Chest Physicians (PCCP) Council on Tuberculosis kasunod ng pagkalat ng maling impormasyon na maaaring mapagaling umano ang TB sa pamamagitan ng pag-inom ng gatas.

Sa isang pahayag, nilinaw ng mga eksperto na ang TB ay isang seryosong sakit na dulot ng Mycobacterium tuberculosis at naipapasa sa pamamagitan ng airborne droplets mula sa taong may aktibong impeksiyon. Kaya’t ito ay hindi basta-bastang nagagamot ng anumang pagkain o inumin.

Ayon sa PCP at PCCP, ang aktibong TB ay nangangailangan ng tamang medikasyon at gamutan, kabilang ang kumbinasyon ng apat na gamot: isoniazid, rifampin, pyrazinamide, at ethambutol, na kailangang inumin sa loob ng anim na buwan.

Binigyang-diin din nila na ang gatas ay maaaring makatulong sa pagpapalakas ng buto at resistensya, ngunit “hindi ito kapalit ng tamang gamutan sa TB.”

Nagbabala pa ang mga eksperto na ang pagkaantala sa tamang paggamot ay maaaring magdulot ng mas malalang komplikasyon, gaya ng pagkalat ng impeksiyon sa ibang bahagi ng katawan o sa ibang tao, at sa ilang kaso, maaari rin itong humantong sa kamatayan.

“Hindi sapat ang gatas o anumang alternatibong lunas sa pagharap sa TB. Kailangan pa rin ang kumpletong regimen ng gamot na naaayon sa medical protocol,” ayon sa kanilang paalala.

Sa gitna ng patuloy na laban ng bansa sa tuberculosis, hinikayat ng PCP at PCCP ang publiko na huwag basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon at magpakonsulta agad sa mga lisensyadong manggagamot kung may sintomas ng TB.

Author profile
Paraluman P. Funtanilla
Contributing Editor

Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor.  She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.