MAYNILA. Nauwi sa trahedya ang bakasyon ng anak ni Senador Jinggoy Estrada at ng kanyang pamangkin matapos silang bugbugin ng tatlong sigang lalaki sa Boracay Island, Malay, Aklan nitong Sabado ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, ang mga biktima ay sina Julian Ejercito, anak ni Senador Estrada, at ang pamangkin nitong si Jefferelly Vitug. Nangyari ang pambubugbog dakong alas-2 ng madaling araw sa Barangay Balabag sa nasabing isla.
Bagamat hindi agad inilabas ng pulisya ang pangalan ng mga nabugbog, si Julian mismo ang nag-post sa kanyang social media tungkol sa insidente. Ayon sa kanya:
“To everyone expecting to see me at Epic tonight, I won’t be able to make it. Got caught in a really unfortunate situation last night and need time to recover, both physically and mentally appreciate all your understanding and support. See you soon.”
Ang Epic ay isang kilalang bar sa Station 2 ng Boracay.
Base sa inisyal na imbestigasyon, galing ang dalawa sa isang bar at naglalakad patungo sa isang mini-mall sa harapan ng beach nang harangin at kusang sinugod ng tatlong lalaking siga. Walang sinabi, agad silang binugbog gamit ang suntok at sipa, na nagdulot ng mga sugat sa kanilang ulo at mukha.
Dahil sa insidente, dumiretso si Senador Estrada patungong Malay, Aklan upang alamin ang kalagayan ng mga biktima. Sa kanyang pahayag, sinabi niya:
“It’s unfortunate that my son Julian and his cousin Jefferelly Vitug had their vacation in Boracay marred by an act of violence. Early Saturday, they were assaulted by three young men.”
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang dalawa sa ospital.
Ayon kay Lt. Col. Mar Joseph Ravelo, Chief of Police ng Malay, sinampahan na ng kasong physical injuries ang tatlong suspek habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.