Marcos nakapili na ng susunod na PNP Chief – DILG

0
115

MAYNILA. Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), mayroon nang napili si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP)

Ngunit tumangging ibunyag ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang pangalan ng bagong PNP chief at sinabi na si Pangulong Marcos mismo ang mag-aanunsyo nito sa tamang panahon.

“Meron na siyang napili. Excellent, very qualified, very dynamic, good track record,” pahayag ni Remulla sa isang ambush interview nitong Lunes.

Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Remulla na magiging malaking bentahe kung ang susunod na PNP chief ay magkakaroon ng mas mahabang termino upang maisakatuparan ang isang tuloy-tuloy at matibay na bisyon para sa kapulisan.

“Ang nangyayari kasi sa atin, a tenure of a chief PNP will only last one year, a little more than one year. Kailangan natin merong continuing vision na may buy-in ng lahat ng PNP as the years go by,” aniya.

Dagdag pa niya, “Ngayon kasi paiba-iba. Every year iba ang directive, vision, mission statement. My goal is that isa na lang. No matter who the Chief PNP is.”

Ang kasalukuyang PNP chief na si Police General Rommel Marbil ay may extended term na magtatapos sa Hunyo 7. Noong Pebrero, pinalawig ni Marcos ang termino ni Marbil ng apat na buwan lampas sa mandatory retirement age na 56.

Sa kabilang banda, ayon kay Police Colonel Randulf Tuaño, pinuno ng PNP public information office, kabilang sa mga kwalipikadong humalili bilang PNP chief ay sina:

  • Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., deputy chief for administration ng PNP;
  • Lieutenant General Robert Rodriguez, deputy chief for operations ng PNP;
  • Lieutenant General Edgar Alan Okubo, chief ng directorial staff ng PNP;
  • Police Major General Nicolas Torre III, chief ng Criminal Investigation and Detection Group; at
  • Police Major General Anthony Aberin, chief ng National Capital Region Police Office.

Patuloy ang masusing paghahanda ng pamahalaan para sa maayos na transisyon sa pinakamataas na posisyon ng kapulisan, na inaasahang magdadala ng higit na katatagan at direksyon sa pambansang pulisya.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.