Barangay chairman at 2 kagawad binaril sa flag ceremony, SK secretary kritikal

0
98

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Nauwi sa madugong trahedya ang regular na flag raising ceremony sa Barangay Salitran 3 matapos pagbabarilin ng dating barangay tanod ang kanilang chairman at dalawang kagawad, na agad na nasawi, habang nasa kritikal na kondisyon ang Sangguniang Kabataan (SK) secretary. Matapos ang pamamaril, nagbaril din sa sarili ang suspek.

Kinilala ng Dasmariñas City Police, sa pangunguna ni PLt. Col. Regino L. Oñate, acting chief of police, ang mga nasawing opisyal na sina Barangay Chairman Raul Atarde Ballos, 56, Kagawad Jose Lagones, 65, at Kagawad Marvin Canete, 54. Ang biktimang si SK Secretary Christine Joseph Bonus ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa isang ospital.

Nasawi rin ang suspek na kinilalang si alyas “Ariel,” 50-anyos, na dating barangay tanod ng Salitran 3. Ayon sa ulat, ilang linggo siyang hindi nakapasok sa trabaho dahil sa karamdaman, at noong araw ng insidente ay nagtungo sa barangay hall upang kunin umano ang kanyang P6,000 na allowance. Nang hindi ito ibigay, nagalit siya at bumalik kinabukasan dala ang baril.

Alas-8 ng umaga kahapon, habang isinasagawa ang regular na flag raising sa harap ng barangay hall, lumapit si Ariel sa likuran ni Chairman Ballos at agad itong binaril. Sunod niyang pinaputukan sina Lagones at Canete, na agad ding bumulagta. Nadamay rin sa pamamaril si Bonus na malapit sa pinangyarihan.

Nagkagulo ang mga dumalo sa seremonya, at habang nagsisipagtakbuhan ang mga tao, bigla ring nagbaril sa sarili ang suspek gamit ang parehong armas. Isinugod siya sa St. Paul Medical Center ngunit idineklara ring dead-on-arrival.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posibleng matinding sama ng loob at pagkaburyong ang nagtulak sa suspek na isagawa ang krimen. Mariin namang kinondena ni PBrig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas, regional director ng Calabarzon, ang insidente at inatasan ang Dasmariñas Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Patuloy ang panawagan ng mga residente para sa maayos na pamamalakad sa mga barangay upang maiwasan ang ganitong trahedya sa mga komunidad.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.