MAYNILA. Lalo pang lumakas ang panawagan sa Senado na ituloy na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos makiisa ang Ateneo School of Government (ASoG), De La Salle University, at San Beda University.
Ayon sa pahayag ng ASoG, “We call on the Senate to fulfill its Constitutional duty and to proceed with the impeachment trial of Vice President Sara Duterte.” Giit nila, kung hindi dadaan sa paglilitis ay pagpapabaya ito sa tungkulin at malinaw na pagtatangkang pagtakpan ang mga alegasyon laban sa isang public official.
Idinagdag pa ng ASoG, “The impeachment process is a sacred duty enshrined in our Constitution. It is the primary mechanism to ensure that our elected officials would remain faithful to their sworn duty to serve the public with dedication, commitment, and, most importantly, integrity.”
Nitong Biyernes, naglabas din ng pahayag ang mga guro ng De La Salle University na nagsabing ang pagkaantala ay sumisira sa tiwala ng publiko at lumalabag sa Saligang Batas. Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta ang mga guro ng San Beda University (SBU) Graduate School of Law, kabilang sina dating Supreme Court Justices Adolf Azcuna at Jose Vitug.
Ayon sa Facebook post ni Graduate School of Law Dean Rev. Fr. Ranhilio Callangan Aquino, “We, professors of the Graduate School of Law of San Beda University, in our individual capacities, respectfully urge the Senate of the Philippines to proceed with the trial of the Vice-President in accordance with Article XI of the Constitution.”
Giit ng mga guro, dapat manguna ang malalaking sangay ng pamahalaan sa mahigpit na pagsunod sa Saligang Batas at kapag na-verify na ang reklamo at inendorso ng hindi bababa sa one-third ng House of Representatives, dapat agad na ituloy ang paglilitis. Wala anila itong legal at constitutional na batayan para ipagpaliban at ang “undue delay” ay nagpapadala ng mensahe na may mga nakatagong layunin.
Nauna nang nanawagan ang 100 faculty members ng UP College of Law at DLSU-Department of Political Science and Development Studies na simulan na agad ang impeachment trial. Ganito rin ang naging panawagan ng Philippine Political Science Association (PPSA) Board of Trustees na nagsabing “long-overdue” na ito at ang kawalan ng aksyon ay sumisira sa transparency at integridad ng mga institusyon.
Matatandaang nakatakda sanang simulan ang impeachment trial noong Hunyo 2 ngunit ipinagpaliban ito sa Hunyo 11.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.