TAYABAS CITY, Quezon. Patay ang isa sa mga pangunahing suspek sa pag-ambush at pagpatay kay Dolores, Quezon Vice Mayor Danilo Amat matapos makipagbarilan sa mga otoridad na nagtangkang arestuhin siya sa Sitio Sta. Ana, Barangay Malao-a, Tayabas City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang suspek bilang si alyas Orlando, 52 anyos, residente ng lugar at kabilang sa Most Wanted Persons sa rehiyon. Ayon kay QPPO Director PCol. Romulo Albacea, alas-5:00 ng umaga nang puntahan ng pinagsanib na puwersa ng Tayabas City Police, 1st QPMFC, QPPO PIU, at 405th AMC RMFB4A ang bahay ng suspek upang isilbi ang tatlong warrant of arrest mula sa mga korte ng San Pablo, Cavinti, at Sta. Cruz, Laguna para sa mga kasong murder, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code).
Sa halip na sumuko, agad umanong nagpaputok si Orlando kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba, na nagresulta sa pagkasugat ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isinugod siya sa Tayabas Community Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician na si Dra. Carmelita Danez Pumida.
Nakuha sa suspek ang isang Norinco caliber .45 pistol na may anim na bala. Ayon kay Col. Albacea, kabilang si Orlando sa mga itinuturong sangkot sa pananambang at pagpatay kay Vice Mayor Amat noong Hulyo 22, 2022 sa San Pablo City, Laguna.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang kasabwat sa krimen.\

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





