Pamilya ng missing sabungeros, umapela ng diving operations sa Taal Lake

0
613

MAYNILA. Nanawagan ang mga kaanak ng tinaguriang “missing sabungeros” sa pamahalaan na agad nang simulan ang diving operations sa Taal Lake upang hanapin ang umano’y mga bangkay ng kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Ang panawagan ay kasunod ng paglutang ng isang testigo na nagsabing inilibing sa ilalim ng lawa ang mga bangkay ng ilang sabungerong dinukot noong Disyembre 2021.

Sa isang panayam, sinabi ni Mang Aurelio, tiyuhin ng dalawa sa pinakabatang nawawalang sabungero, na dapat nang sisirin ang lawa kung totoo ang pahayag ng testigo.

“Hindi na dapat maghintay pa. Kung totoo ang sinasabi ng testigo, kailangang simulan na agad ang pagsisid sa Taal Lake,” ani Mang Aurelio.

Hinimok din niya ang Department of Justice (DOJ) na tiyaking mababantayan ang lugar upang hindi ito mapakialaman, lalo pa’t posibleng may mga “malalaking tao” na sangkot sa krimen.

Nagpahayag siya ng pangamba na maaaring may ginagawa nang hakbang ang mga sangkot upang maitago ang katotohanan. Nanawagan din siya sa mga testigo na huwag matakot at ibunyag ang kanilang nalalaman kaugnay sa kaso.

Kasabay nito, umapela rin si Mang Aurelio sa babaeng celebrity na isinasangkot sa insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso at pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.

Nagpahayag din siya ng tiwala kay PGen. Nicolas Torre III at umaasang ang bagong PNP chief ang makapagbibigay-linaw sa matagal nang kaso.

Ayon kay Mang Aurelio, ang kanyang mga pamangkin na edad 14 at 17 ay huling nakita sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna noong Disyembre 2021 at mula noon ay hindi na muling nakita.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.