Gretchen Barretto, bomoto na iligpit ang missing sabungeros — whistleblower

0
478

MAYNILA. Isinangkot ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Totoy” ang dating aktres na si Gretchen Barretto bilang isa sa mga miyembro ng umano’y “Alpha Group” na bumoto para iligpit ang mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Patidongan, nagsagawa ng pulong ang Alpha Group, na pinamumunuan ni Atong Ang, upang pag-usapan ang umano’y “pagwalis” sa mga sabungerong sangkot sa pangti-tiyope o pandaraya sa online sabong. Isa umano si Barretto sa mga nagpahayag ng pagsang-ayon sa desisyon ni Ang sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay.

Sinabi pa ni Patidongan na ang naturang hakbang ay bahagi ng tinatawag na “cleansing” operation laban sa mga sabungerong pinaghihinalaang nagsusumbong o nagbebenta ng impormasyon sa mga kalaban ni Ang sa larangan ng sabungan.

Mariin namang pinabulaanan ng kampo ni Barretto ang mga akusasyon. Ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Alma Mallonga, imbento lamang ang mga paratang at gawa-gawa ng ilang indibiduwal na nagnanais umanong kotongan si Barretto.

Samantala, inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hawak na ng Department of Justice ang ilang ebidensiya na umano’y magdidiin kay Ang, kabilang ang CCTV footage at isang USB stick na matagal nang nasa poder ni Patidongan.

Ayon kay Remulla, batay sa testimonya ni Patidongan, isang police colonel ang unang may hawak ng USB stick at inutusan siyang sirain ito nang lumabas na ang isyu. Dagdag pa niya, pinasunog rin umano ni Ang ang cellphone ni Patidongan upang mawala ang mga ebidensiya, bago siya binigyan ng bagong cellphone na maaari raw mamonitor.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.