Mas mataas na buwis sa interes ng time deposit, ipinatupad na

0
739

MAYNILA. Simula Hulyo 1, epektibo na ang mas mataas na buwis sa interes ng mga long-term savings at deposits gaya ng time deposit, ayon sa anunsyo ng ilang pangunahing bangko sa bansa.

Ito ay alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act 12214 o Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), na naglalayong gawing mas simple at patas ang sistema ng pagbubuwis sa mga kita mula sa financial investments.

Kinumpirma ng Metrobank, UnionBank at Security Bank na lahat ng interes mula sa peso at dollar deposits, kabilang ang time deposits ay sakop na ng 20% final withholding tax, anuman ang haba ng termino ng deposito.

Ayon sa UnionBank, ang bagong panuntunan ay papalit sa dating sistema kung saan pababa ang buwis depende sa haba ng investment. Dati, may mga time deposit na:

  • 0% ang buwis kung mahigit 5 taon
  • 5% kung 4–5 taon
  • 12% kung 3–4 taon
  • 20% kung 3 taon pababa

Ngunit ngayon, lahat ng interes mula sa long-term peso deposits na inilagak simula Hulyo 1 ay may flat 20% buwis, kahit gaano pa ito katagal.

Para naman sa dollar time deposits at iba pang foreign currency accounts, tinaasan ang dating 15% buwis at ginawang 20%, ayon sa Security Bank.

Nilinaw ng mga bangko na hindi kasama sa bagong buwis ang mga deposito na nailagak bago ang Hulyo 1. Mananatili ang dating rate ng buwis para sa mga ito hanggang sa kanilang maturity o takdang petsa ng withdrawal.

Kung may umiiral na tax exemption mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), mananatili rin ang tax-free status ng account.

Ayon sa Metrobank, makikinabang ang mga indibidwal at institusyon sa CMEPA dahil mas simple, malinaw at predictable na ang tax system para sa investments. Idinagdag naman ng Security Bank na ito ay hakbang tungo sa makatarungan at makabagong sistema ng pagbubuwis na naaayon sa pandaigdigang pamantayan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo