Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) na magpatupad ng crackdown sa paggawa, pagbebenta, at paggamit ng ilegal na paputok at pyrotechnic device (FC/PDs) para maiwasan ang mga pinsala at sunog na may kinalaman sa paputok ngayong bagong taon.
Kasabay nito, sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na dapat bantayan ng PNP ang indiscriminate firing sa bisperas ng Bagong Taon na maaaring magdulot ng hindi nararapat na pinsala o kamatayan sa mga hindi kilalang biktima.
“Maliban sa kaligtasan mula sa COVID-19, nais nating maging ligtas ang bawat isa sa iligal na paputok at indiscriminate firing. Habang papalapit ang New Year, nagsusulputan pa rin ang mga ipinagbabawal na paputok. Kaya inaatasan ko ang PNP na doblehin ang pagmomonitor at pag-iinspeksyon para siguruhing hindi kakalat sa merkado at walang gagamit o madidisgrasya sa iligal na paputok,” ayon kay Año.
Sinabi ng DILG Secretary na dahil sa biglaang pagtaas ng positivity rate sa National Capital Region, hindi ngayon ang tamang panahon para maging kampante at dapat tiyakin ng LGUs, PNP, at BFP na ang mga tao ay sumusunod sa alert level protocols at pagsunod sa mga alituntunin sa paggamit ng paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sinabi ni Año na responsibilidad ng PNP at ng LGUs na ipatupad ang pambansa at lokal na mga patakaran na nagre-regulate sa paggawa at paggamit ng paputok sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga inspeksyon, at pagkumpiska at pagsira ng mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic device.
“Ang mga ayaw sumunod, huhulihin yan ng PNP. Mas mabuti pang sa kulungan sila mag Bagong Taon kaysa makadisgrasya o madisgrasya pa sila dahil sa iligal na paputok,” ayon sa tagubilin ni Año sa PNP.
Ang mga parusa para sa mga taong mahuling gumagawa, nagbebenta, namamahagi, o gumagamit ng mga ilegal na paputok at pyrotechnic device ay kinabibilangan ng multang P20,000-P30,000, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon, pagkansela ng lisensya at business permit, at pagkumpiska ng mga stock ng imbentaryo.
Sa ilalim ng Memorandum Order No. 31 na inilabas ni Pangulong Duterte noong 2019, ang PNP, sa koordinasyon ng mga LGU, BFP, at iba pang kinauukulang ahensya, ay inatasang magsagawa ng mga inspeksyon upang matiyak na ang mga manufacturer, distributor, retailer, at gumagamit ng firecrackers at pyrotechnic devices ay sumusunod sa mga alituntunin sa kaligtasan.
Naglabas ang PNP ng listahan ng mga ipinagbabawal na FC/PD na hindi maaaring gamitin ng publiko sa loob man o labas ng mga firecracker zone o mga itinalagang community fireworks display areas na tinukoy ng mga LGU bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na FC/PD ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading, Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Mother Rockets, Boga, Kwiton, at Kabasi.
Ang iba pang mga uri ng ipinagbabawal na FC/PD ay ang mga sobra sa timbang at sobrang laki, lahat ng imported na finished products, at mga mga locally made products na walang label.
Samantala, ang mga FC/PD na ibinebenta sa ilalim ng mahigpit na mga regulasyon at pinapayagan lamang na gamitin sa loob LGU-designated community fireworks display areas ay Baby Rocket, Bawang, El Diablo, Judas’ Belt, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket (Kwitis), Maliit na Triangulo, at iba pang uri ng paputok na hindi kalakihan, hindi sobra sa timbang, at hindi imported.
“We encourage people to use regulated firecrackers in designated areas only. The police is authorized to confiscate and destroy prohibited firecrackers and pyrotechnic devices as well as firecrackers used outside of community fireworks displays,” ayon pa rin kay Año.
Batay sa Executive Order (EO) No. 28, series of 2017 o Control of the Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices, ang paggamit ng mga regulated na paputok ay pinapayagan lamang sa mga community fireworks display area.
Sinasabi ng EO 28 na ang isang fireworks display ay kwalipikado lamang bilang community fireworks display kung ito ay pasado sa lahat ng mga sumusunod na kondisyon: (a) ito ay isinasagawa sa okasyon o bilang bahagi ng isang pagdiriwang, kompetisyon, o kaganapan na ginanap sa ibang lugar o sa labas ng tirahan; (b) ito ay isinasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang trained na tao at lisensyado ng PNP; at (c) ito ay may pahintulot ng munisipyo o lungsod at naisyuhan ng permit na nagsasaad ng petsa at oras ng fireworks display at ang partikular na lugar kung saan isasagawa ang display alinsunod sa mga pambansang pamantayan, tuntunin, at regulasyon.
Mahigpit na babala laban sa indiscriminate firing
Mahigpit din ang babala ng DILG Chief laban sa paggamit ng baril sa pagsalubong sa bagong taon. “The DILG will not tolerate the use of firearms in welcoming the new year. We will apply the full force of the law against those that will fire their firearms during the new year. Let’s welcome the new year with clean hands and clean hearts,” ayon sa DILG chief.
Kung may mangyaring insidente ng indiscriminate firing, tiniyak ni Año sa publiko na ito ay lalapatan ng kaukulang parusa. “Napakasakit po mabalitaang may mga nasasaktan o namamatay dahil sa indiscriminate shooting. Kung iyong mga paputok nga mahigpit nating ipinagbabawal na gamitin, paano pa kaya iyong pagpapaputok ng baril,” dagdag pa niya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo