House bill na nagpapawalang-buwis sa interest ng bank deposits, inihain ni Cong. Amante

0
369

MAYNILA. Isinusulong ni Laguna 3rd District Representative Loreto S. Amante ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang 20% buwis sa mga kinitang interes mula sa lokal na bank deposits, sa layuning palakasin ang kakayahan ng mga Pilipino na mag-impok at suportahan ang pangmatagalang paglago ng ekonomiya.

Sa inihaing House Bill No. 2215 na may pamagat na “An Act Declaring Tax-Free All Interest Earned From Local Currency Bank Deposits and Qualified Investments in Long-Term Instruments Derived From Sources Within the Philippines, Except Interest Income on Foreign Currency Deposits, Amending for Such Purpose Section 24 of Republic Act No. 12214, Otherwise Known As the Capital Markets Efficiency Promotion Act,” hindi na papatawan ng buwis ang interes na kinikita mula sa mga deposito sa bangko at kwalipikadong long-term investments na nasa lokal na pera. Hindi sakop ng panukala ang mga kita mula sa foreign currency deposits, na mananatiling may buwis.

Sa kasalukuyang umiiral na sistema, lahat ng interes na kinikita mula sa bank deposits ay awtomatikong binabawasan ng 20% final withholding tax sa ilalim ng Republic Act No. 8424 o mas kilala bilang Tax Reform Act of 1997. Subalit ayon kay Cong. Amante, panahon na upang repasuhin ito upang bigyan ng insentibo ang mga ordinaryong Pilipino na nagsusumikap mag-ipon.

“Dapat kilalanin ang pagsisikap ng mga manggagawa, maliliit na negosyante at pamilyang Pilipino na nag-iimpok para sa kinabukasan. Sa halip na patawan agad ng buwis ang kita nila mula sa kanilang ipon, mas mainam na bigyan sila ng kaunting ginhawa at motibasyon upang lalo pang magtipid at mag-invest,” pahayag ni Amante.

Ipinunto rin ng kongresista na ang panukalang ito ay makatutulong sa pagpapalalim ng lokal na capital market sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kumpiyansa ng publiko sa pag-iimpok at pag-iinvest sa long-term instruments. Aniya, sa huli, makikinabang ang pambansang ekonomiya kung mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng disiplina sa pananalapi at mas malaking bahagi ng pondo ng bansa ay maiiikot sa pormal na sektor.

Ang House Bill 2215 ay kasalukuyang nasa komite para sa deliberasyon. Umaasa si Amante na ito ay makakakuha ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan sa Kamara at mga institusyong pinansyal na matagal nang nananawagan ng reporma sa sistemang pagbubuwis sa mga kita mula sa banko.

Sa kasaysayan, ang Capital Markets Efficiency Promotion Act na nais amyendahan ng panukala ay matagal nang tinutuligsa dahil sa umano’y hindi balanseng pagtrato sa local at foreign investors pagdating sa pagbubuwis. Layunin ng bagong panukalang ito na mas gawing makatarungan at inklusibo ang mga umiiral na batas sa buwis.

Kung maisasabatas, inaasahang magiging malaking tulong ito sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

\

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.