Walang inaasahang pagtaas sa presyo ng bigas sa kabila ng mga bagyo at Habagat, ayon sa DA

0
621

MAYNILA. Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang inaasahang pagtaas sa presyo ng bigas sa kabila ng mga pinsalang dulot ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, gayundin ng epekto ng Habagat o Southwest Monsoon.

“Sa bigas, hindi natin nakikita na magkakaroon ng pagtaas dahil hindi naman ganoon karami ang nasira at marami tayong stocks sa ngayon,” pahayag ni Assistant Secretary at DA spokesperson Arnel de Mesa sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, Hulyo 26.

Aniya, karamihan sa mga taniman ng palay ay nasa early vegetative stage at bahagya lamang ang naging pinsala, kaya’t inaasahang madali itong makakarekober.

Batay sa ulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, umabot na sa P1.12 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura. Sakop nito ang 26,566 metriko tonelada ng production loss sa bigas, mais, cassava, high-value crops, pangisdaan, livestock and poultry, at imprastrukturang pang-agrikultura.

Tinatayang 45,408 na magsasaka at mangingisda ang apektado, pati na rin ang 43,741 ektarya ng agricultural areas sa mga rehiyong Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.

Pinakamalaking pinsala ay sa sektor ng palay na may halagang P664.36 milyon, sinundan ng pangisdaan sa P202.35 milyon, high-value crops sa P162.16 milyon, mais sa P55.70 milyon, livestock and poultry sa P8.37 milyon, at cassava sa P1.98 milyon.

Gayunpaman, sinabi ni De Mesa na maaaring tumaas ng 10% hanggang 15% ang presyo ng ilang gulay at isda, partikular sa Metro Manila, na inaasahang pinakaapektado kung mangyari man ang paggalaw ng presyo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.