Tatlong pasilidad sa Liliw, Laguna pinasinayaan para sa kalamidad at serbisyong bayan

0
494

LILIW, Laguna. Pormal nang binuksan sa publiko ang tatlong bagong imprastruktura sa bayan ng Liliw na layong palakasin ang kahandaan ng komunidad sa panahon ng sakuna at palawakin ang serbisyong pampubliko. Kabilang sa mga pinasinayaang proyekto ang dalawang evacuation center na may kasamang covered court sa Barangay Dagatan at Barangay Daniw at Ilayang San Roque, at isang multi-purpose building.

Ang sabayang inagurasyon ay pinangunahan ni Engr. Carlos C. Muere, Officer-in-Charge ng Office of the District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Laguna 3rd District Engineering Office, katuwang si Cong. Loreto “Amben” S. Amante ng Ikatlong Distrito ng Laguna.

Ang kabuuang pondo para sa mga proyektong ito ay tinatayang nasa ₱328 milyon, na ipinagkaloob sa ilalim ng inisyatibo ni Cong. Amante sa pakikipagtulungan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez. Ayon sa DPWH Region IV-A, bahagi ito ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang mapalakas ang disaster preparedness at mapabuti ang access sa mga pangunahing pasilidad sa mga lalawigan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Cong. Amante na ang mga nasabing proyekto ay bunga ng masusing konsultasyon at pagtukoy sa mga prayoridad na pangangailangan ng distrito. “Hindi ito basta-bastang proyekto lamang. Bawat isa ay may layuning paglingkuran ang ating mga kababayan sa panahon ng sakuna at sa araw-araw nilang pangangailangan,” aniya.

Dagdag pa ng kongresista, bukas ang kanyang tanggapan sa lahat ng uri ng tulong na makatutugon sa kapakanan ng mga residente. “Ang serbisyo publiko ay hindi natatapos sa pasinaya ng mga gusali. Patuloy tayong maglilingkod sa abot ng ating makakaya,” dagdag niya.

Dumalo rin sa programa ang mga barangay opisyal, Barangay Health Workers, at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad. Ipinahayag ng mga residente ang kanilang pasasalamat, lalo na’t matagal na nilang kinakailangan ang mga ganitong pasilidad para sa emergency response at community programs.

Ayon sa datos mula sa Office of Civil Defense, isa ang Laguna sa mga lalawigang madalas tamaan ng malalakas na bagyo at pagbaha, dahilan upang ituring na mahalagang bahagi ng local disaster risk reduction strategy ang pagtatayo ng evacuation centers.

Ang sabayang pagbubukas ng mga pasilidad sa Liliw ay itinuturing na konkretong halimbawa ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan tungo sa mas ligtas at progresibong pamayanan.

Report contributed by Roy Tomandao

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.