Atong Ang at 14 iba pa kinasuhan ng murder at illegal detention

0
469

MAYNILA. Sinampahan ng kasong murder at serious illegal detention sa Department of Justice (DOJ) ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at 14 pang indibidwal kaugnay ng serye ng mga kaso ng pagkawala ng mga sabungero simula pa noong 2021.

Ang reklamo ay inihain ng mga pamilya ng mga nawawala at itinuturing na mahalagang hakbang sa matagal nang imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na isyu.

Kabilang sa mga idinadawit sa reklamo ay mga personalidad na umano’y konektado sa pitmaster operations. Ayon sa mga nagsampa ng kaso, sangkot ang mga ito sa umano’y sabwatan upang ikulong at ipapatay ang ilang sabungero.

Kasabay ng pagsasampa ng reklamo ay lumabas ang isang umano’y leaked na listahan mula sa affidavit ni whistleblower Julie Patidongan, alyas “Totoy”. Tinukoy sa dokumentong ito ang tinatawag na “Alpha Group”, na sinasabing pinakamakapangyarihang grupo sa loob ng Pitmaster at may kontrol sa mga desisyong may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.

Lima sa tinaguriang “Alpha list” ay sina Charlie “Atong” Ang at dating NCRPO chief Gen. Jonnel Estomo, na una nang binanggit ni “Totoy” sa kanyang salaysay.

Dahil dito, lalong lumalakas ang panawagan para sa mas malalim na imbestigasyon sa lawak ng operasyon npitmaster at ng “Alpha Group”.

Batay sa affidavit, sinasabing sistematikong pinagsamantalahan ng grupo ang mga mahihirap na sabungero. Kinokolektahan umano sila ng milyun-milyong piso, at kapag tumanggi o hindi makabayad ay dinadala sa isang lugar at pinapatay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.