Walang karagdagang requirements sa Zero Billing policy ng DOH hospitals

0
354

MAYNILA. Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangan ng karagdagang requirements para makakuha ng benepisyo mula sa “Zero Billing” o “No Balance Billing” policy sa 87 pampublikong ospital na pinapatakbo ng ahensya sa buong bansa.

Ayon sa DOH, hindi na kailangan ng karagdagang dokumento o interview para makapag-avail ng polisiya dahil awtomatikong saklaw nito ang lahat ng Pilipino na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) alinsunod sa Universal Health Care Law.

“Walang anumang interview na kinakailangan dahil ang lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth,” saad ng DOH sa isang pahayag nitong Biyernes, Agosto 2. “Bilang miyembro, lahat ng Pilipino, may kakayanan man o wala na magbayad ng kontribusyon ay garantisado sa No Balance Billing kung sila ay maa-admit sa basic o ward accommodation.”

Tiniyak din ng DOH na patuloy ang pagtutok ng PhilHealth sa pagbibigay ng pantay-pantay na access sa serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na simula Mayo 18, ipinatutupad na ang naturang programa sa mga DOH-run hospitals at lahat, anuman ang katayuang panlipunan, ay maaaring ma-admit sa basic accommodation nang hindi na kailangang magbayad.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.