PSA hinikayat ang publiko na i-download at gamitin ang digital national ID

0
438

MAYNILA. Nanawagan ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa lahat ng Filipino na i-download at gamitin ang kanilang Digital National ID bilang bahagi ng pagpapaigting ng mas accessible at secure na serbisyo ng gobyerno.

Ang Digital National ID ay opisyal na electronic na bersyon ng PhilSys ID na maaaring ma-access sa pamamagitan ng eGovPH app o sa website ng national ID. Ito ay kinikilala bilang wastong patunay ng pagkakakilanlan para sa iba’t ibang pampubliko at pribadong transaksyon.

Ayon sa PSA, ang digital ID ay tinatanggap ng mga bangko, remittance centers at iba pang institusyon na pinangangasiwaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), basta’t ito ay verified sa pamamagitan ng PhilSys system.

“For everyone who has successfully registered, your National ID is just a few taps away. We encourage you to immediately access your Digital National ID, a reliable and secure valid ID that can be conveniently presented in transactions through your smartphone,” pahayag ni PSA Undersecretary Claire Dennis S. Mapa, National Statistician at Civil Registrar General.

Pinaalalahanan din ng ahensya na hindi pinapayagan ang pag-print ng digital ID sa papel o plastic card, dahil tanging ang PSA lamang ang awtorisadong mag-isyu ng opisyal na National ID. Ang maling paggamit o hindi awtorisadong pag-imprenta ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Republic Act No. 11055 o PhilSys Act.

Bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng PSA at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalawak ang digital access, bawasan ang burukrasya, at gawing mas maginhawa ang serbisyo publiko.

“Since we first introduced the Digital National ID, we have seen how it empowered more and more Filipinos in transactions, enabling their access to various services. We implore our fellow kababayans who do not have their Digital National ID yet—or previously downloaded a copy—to access it now via the eGovPH app and enjoy the advantages of being a registered person,” dagdag ni Mapa.

Tiniyak ng PSA na ang Digital National ID ay may parehong legal validity gaya ng physical card at pinoprotektahan sa ilalim ng mahigpit na data privacy at security protocols.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.