MAYNILA. Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng fraud audit sa mga flood control projects sa Bulacan bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na proyekto kontra baha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, kinakailangan ang agarang audit dahil sa seryosong isyung binanggit ng Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng mga proyekto, partikular sa Bulacan.
Saklaw ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa naturang lalawigan na madalas bahain. Tinatayang umabot sa P44 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para rito, na katumbas ng 45% ng kabuuang pondo para sa Region 3 ang pinakamalaking bahagi sa rehiyon.
Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng P98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, na katumbas ng 18% ng P548 bilyong nakalaan para sa flood control projects sa buong bansa.
Inutusan din ni Cordoba ang lahat ng supervising auditor at audit team leader sa mga DPWH District Engineering Office sa Region 3 na agad isumite ang lahat ng kaugnay na dokumento para sa pagsasagawa ng fraud audit.
Nitong nakaraang linggo, personal na nakita ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Calumpit, Bulacan ang isang flood control project sa ilog na idineklarang tapos na ngunit hindi pa pala kumpleto.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






