SAN PABLO CITY, Laguna. Magsasagawa ang San Pablo City ng makasaysayang hakbang sa muling pagbuhay ng industriya ng niyog sa pamamagitan ng sabayang pagtatanim ng mahigit 10,000 punla ng niyog sa loob lamang ng 15 minuto, sa iba’t ibang lugar sa lungsod. Ang pangunahing lugar ng pagtatanim ay sa bakanteng lote sa tapat ng Dalubhasaang Lungsod ng San Pablo (DLSP) sa Barangay San Jose.
Nakatakdang magsimula ang programa nang 8:00 ng umaga, bilang hudyat ng malawakang pagkilos para sa muling pagbangon ng industriya ng niyog, isang hakbang na layuning magdulot ng pangmatagalang kaunlarang pang-ekonomiya at pangangalaga sa kalikasan. Ang proyektong ito ay pinangungunahan ng administrasyon ni San Pablo City Mayor Najie B. Gapangada Jr.
Kilalang tinaguriang Coconut Industry Capital of the Philippines noong mga nakaraang dekada, ang San Pablo City ay naging tahanan ng Franklin Baker Company, na dating pinakamalaking pabrika ng desiccated coconut sa buong Asya. Itinatag sa lungsod noong 1920s, naging sentro ito ng kabuhayang agrikultural. Nitong Hulyo 2025, opisyal nang binili ang kompanya ng Metro Pacific Agro Ventures sa pangunguna ni Manuel V. Pangilinan upang muling pasiglahin ang produksyon, pag-export, at mga kabuhayan sa lungsod.
Kabilang sa mga opisyal na dadalo ay sina Mayor Gapangada Jr., Gobernador ng Laguna Sol Aragones, Philip Young (Special Assistant sa Kalihim ng Agrikultura), at Bibiano Concibido Jr. (Regional Director, Philippine Coconut Authority).
Sasali sa pagtatanim ang libu-libong boluntaryo mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan, Department of Education, mga barangay, mga samahang sibiko, propesyonal at relihiyoso, mga tanggapan ng pamahalaang lungsod, Philippine Coconut Authority, at iba pang ahensya ng gobyerno na nakabase sa San Pablo.
Layunin din ng mga organizer na mairekord ang kaganapan sa Guinness World Records.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kina Ernie Empemano (Messenger: ErestonEmpe, 0971-244-507), Pitz Bonilla (City Agriculture Office, 0917-545-4711, Messenger: Pitz Bonilla).
Para sa media: Rolly Inciong (0917-628-3076, Messenger: Rolando Alino Inciong), Sasa Deomano (0999-102-2581, Messenger: Sasa Adajar-Deomano).
Ang kaganapang ito ay hindi lamang sagisag ng pagbabalik ng sigla ng ekonomiya, kundi pagbabalik din sa ugat ng pagkakakilanlan ng San Pablo bilang sentro ng industriya ng niyog sa bansa.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






