San Pablo City nagtanim ng libo-libong punla ng niyog, target Guinness World Record

0
425

SAN PABLO CITY, Laguna. Sinimulan ng San Pablo City ang isang makasaysayang pagtatangka na magtanim ng 10,000 punla ng niyog sa loob lamang ng 15 minuto sa 12 barangay. Layuning nitong buhayin muli ang yaman ng niyugan sa lungsod. Libu-libong boluntaryo mula sa NGOs, civic organizations, paaralan, magsasaka, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang nakiisa sa pagtatanim na idinaos ngayong Agosto 29, 2025.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng programa, ipinahayag ni Mayor Najie Gapangada Jr. ang pasasalamat sa lahat ng nakibahagi. “Hindi lang ito tungkol sa rekord, nagtatanim tayo ng pag-asa, kabuhayan, at dangal para sa mga San Pableño,” aniya.

Ang proyektong ito ang unang hakbang ng Coconut Industry Revival Program, na layong ibalik ang pagkakakilanlan ng San Pablo bilang “Coconut Capital of the Philippines.” Minsang naging tahanan ng isa sa pinakamalaking pabrika ng niyog sa Asya, muling inaasam ng lungsod na buhayin ang industriya para sa kabuhayan ng mga residente, pagpapanatili ng agrikultura, at kaligtasan ng kalikasan.

Ang malawakang pagtatanim ng niyog na ito ay paghahanda para sa nakalatag na plano na bumuo ng daan-daang ektarya ng ecozones sa San Pablo, na layong magbigay balanse sa agricultural growth at ecological sustainability habang lumilikha ng mas maraming trabaho para sa mga residente.

Mahalaga ang hakbang na ito hindi lamang para sa lokal na pag-unlad kundi maging sa pambansang ekonomiya. Sa rehiyong Calabarzon, tinaguriang “Cocolandia,” nakapagtala ng mahigit 379,000 ektarya ng taniman ng niyog at halos 1.5 milyong metriko tonelada ng produksyon noong 2020, na patunay ng malaking ambag ng industriya sa bansa.

Sa pagtatangkang ito, ipinapakita ng San Pablo na higit pa sa Guinness World Record, ang tunay na layunin ay maghasik ng bagong pag-asa para sa kinabukasan ng mga San Pableño at para sa mas malawak na sektor ng niyugan sa Pilipinas.

Sinimulan ng San Pablo City ang isang makasaysayang pagtatangka na magtanim ng 10,000 punla ng niyog sa loob lamang ng 15 minuto sa 12 barangay.
Libu-libong boluntaryo mula sa NGOs, civic organizations, paaralan, magsasaka, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang nakiisa sa pagtatanim na idinaos ngayong Agosto 29, 2025.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.