MAYNILA. Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dalawa hanggang apat na bagyo ang papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Setyembre.
“Ngayong buwan ng September ay posible ang dalawa hanggang sa apat na bagyo ang pumasok o mabuo sa ating PAR, base rin sa ating climate outlook noong nakaraang linggo,” pahayag ni PAGASA weather specialist Veronica Torres sa panayam ng Unang Balita ng GMA Integrated News nitong Lunes.
Sa ulat ng PAGASA, ilan sa mga posibleng bagyo ay maaaring mag-landfall sa Extreme Northern Luzon at Southern Luzon.
“Yung pangatlo naman na ating track ay isang landfalling track. Posibleng ‘yung movement nito generally northwestward pa rin, pero posible itong maglandfall over the Extreme Northern Luzon area towards the area of Hong Kong or mainland China,” paliwanag ni PAGASA weather specialist Daniel James Villamil.
“At sa pang-apat naman na ating track, landfalling track rin ito. Possible landfall over the southern portion of Luzon patungo sa area naman ng Vietnam,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, minomonitor ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na huling namataan 580 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, mababa ang tsansa nitong maging bagyo sa susunod na 24 oras.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






