MAYNILA. Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na hingin ang courtesy resignation ng lahat ng opisyal ng ahensya mula sa undersecretaries, assistant secretaries, division heads, regional directors at district engineers sa buong bansa.
Ayon kay Dizon, kabilang ito sa direktiba ng Pangulo upang masimulan ang paglilinis sa ahensya na nababalot ng anomalya. “Clean sweep, paglilinis, iyan po ang unang-unang direktiba ng ating Pangulo,” aniya.
Kasabay nito, ipatutupad ang lifetime blacklisting laban sa mga contractor na sangkot sa ghost projects at substandard infrastructure projects. Ayon kay Dizon, wala nang imbestigasyon o proseso, kundi awtomatikong pagbawal sa mga nasabing contractor na lumahok muli, bukod pa sa mga kasong isasampa.
Magtatatag din ang Malacañang ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa mga flood control projects at maghahain ng kaso laban sa mga opisyal at contractor na mapatutunayang sangkot sa iregularidad.
Tiniyak ni Dizon na hahanapin ang mga tauhan sa DPWH na nakipagsabwatan sa mga ghost projects. “Meron po sa DPWH na nagpabayad doon. Ang utos ng ating Pangulo, hanapin ‘yon. At tanggalin sa puwesto at kasuhan,” ani Dizon.
Dagdag niya, magsasagawa ng masusing review sa lahat ng personnel upang matukoy ang mga tapat at mahusay na kawani na dapat italaga sa mga sensitibong posisyon.
Samantala, sa hiwalay na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ng kontraktor na si Sarah Discaya na siya ang may-ari ng siyam na construction firms na lumalahok sa parehong bidding para sa mga proyekto ng DPWH.
Kabilang sa mga kumpanyang hawak ni Discaya ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corp., St. Gerrard, St. Timothy, St. Matthew, Elite, Amethyst Horizon Builders, YPR General Contractor, Great Pacific Builders, at Way Maker One Person Corp.
Una’y itinanggi niya ang sabayang paglahok, ngunit kalaunan ay umamin na “minsan” ay nagsasabay ang ilan sa mga ito. Itinuro rin ng mga senador ang paggamit ng kanyang asawa at mga anak bilang opisyal ng ilan sa mga kumpanya.
Sa pagdinig, lumabas din na nagmamay-ari si Discaya ng 28 luxury cars, kabilang ang isang Rolls-Royce na nagkakahalaga ng P42 milyon, na lalong nagdulot ng tanong sa kanyang yaman at posibleng kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






