MAYNILA. Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na sisiyasatin din ang mga ari-arian ng iba pang kontratista ng mga flood control projects na posibleng sangkot sa mga anomalya.
Kasunod ito ng pagsasagawa ng search warrant sa 12 luxury cars ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya upang masuri kung nakapagbayad ang mga ito ng tamang buwis at duties. Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, kabilang din sa kanilang titingnan ay mga yate, pribadong helikopter at iba pang mamahaling ari-arian ng mga kontratista.
Giit ni Nepomuceno, hindi lamang mga Discaya ang target kundi lahat ng contractors na may kahina-hinalang ari-arian. “Hindi lang naman sasakyan ang ating binabantayan. Marami pang posible sa point of view ng BOC, kung ano yung may halaga na ipinapasok dito sa bansa. Gusto natin, yan ay nagbayad ng tamang buwis, duties and taxes, at tama ang kanilang mga dokumento at walang nilabag na probisyon ng ating Anti-Smuggling Law,” aniya.
Samantala, lalo pang tumitindi ang galit ng publiko matapos masilip ang marangyang pamumuhay ng ilang pamilya ng government contractors at ilang opisyal ng DPWH sa kabila ng mga alegasyon ng anomalya sa mga proyektong flood control.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






