MAYNILA. Sinibak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, kasabay ng imbestigasyong isinasagawa kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa ambush interview matapos inspeksiyunin ang isang flood control project sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan, sinabi ni Dizon na bukod sa dismissal ay irerekomenda rin niya sa DPWH Legal Service ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Alcantara sa Office of the Ombudsman sa susunod na linggo.
“He is now dismissed. I will call for summary dismissal of Henry Alcantara,” kumpirmasyon ni Dizon. Next week, I will ask the DPWH Legal to recommend filing of appropriate charges against Henry Alcantara. Well, obviously, criminal ito. Pagnanakaw ito e, P100 million… We will recommend filing of charges with the Ombudsman,” dagdag niya.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pag-amin ni Alcantara sa Kamara na nag-isyu siya ng certificate of completion sa P55 milyong flood control project sa Baliwag, Bulacan, na kalaunan ay natuklasang isang ghost project.
Ayon kay Dizon, Wawao Builders ang contractor sa proyekto na idineklarang kumpleto noong 2024, subalit natuklasang tatlong linggo pa lamang nagsisimula ang aktwal na konstruksiyon.
Samantala, binanggit din ang isa pang flood control project sa Barangay Piel, Baliwag, na dinalaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 20, na iniuugnay naman sa SYMS Construction Trading.
Tiniyak ni Dizon na bukod sa lifetime ban, sasampahan ng kaso ang mga kumpanyang sangkot. Kasama ring sisibakin sina suspended Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez at Engr. Jaypee Mendoza ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.
Matatandaang inamin din ni Alcantara na minsan siyang gumamit ng alyas at pekeng ID upang makapasok sa casino, bagay na ipinagbabawal sa mga empleyado ng gobyerno.
Isyu kay Rep. Zaldy Co
Samantala, kumpirmado namang nasa Estados Unidos si dating House Appropriations Committee Chairman at AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa medical treatment.
Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, may kumpletong travel documents at clearance mula sa Kamara si Co para makapagpagamot.
Si Co ay kabilang sa iniimbestigahan kaugnay ng umano’y P13.8 bilyong insertion sa DPWH infrastructure projects sa ilalim ng panukalang P6.352 trilyong 2025 national budget. Binanggit din ni Navotas Rep. Toby Tiangco na matagal nang hindi aktibong nakikilahok si Co sa mga plenary session, pagdinig, at iba pang aktibidad ng Kamara.
Nais naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na ipatawag si Co at dating Senate Finance Committee Chairman Grace Poe upang magpaliwanag hinggil sa umano’y budget insertions.
Sa pagdinig ng Infra Committee, inamin ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nadagdagan ng P100.8 bilyon ang kanilang infrastructure projects para sa 2025.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






