MAYNILA. Ipinahayag ni House Infrastructure Committee (Infra Comm) Co-Chairman at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na posibleng isang senador o kongresista ang responsable sa pagpasok ng P96 milyong flood control project na tinukoy bilang “ghost project” sa Brgy. Sipat, Plaridel, Bulacan.
Ayon kay Ridon, ang alokasyon para sa proyekto ay hindi nagmula sa National Expenditure Program (NEP) o sa House General Appropriations Bill, kundi mula umano sa Bicameral Conference Committee kung saan pinag-iisa ng House Committee on Appropriations at Senate Finance Committee ang kani-kanilang bersiyon ng pambansang pondo.
“Hindi po ‘yan executive proposal. Ibig sabihin po niyan, either congressman o senador ‘yung nagpasok niyan bilang line item sa ating 2024 budget,” ani Ridon.
Dagdag pa niya, tanging Bicameral Conference Committee noong 2023 ang makapagtutukoy kung sino ang nagpasok ng line item. Maaari rin aniyang masagot ito ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara o ng Wawao Builders, na sangkot sa proyekto.
Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na bumisita siya sa lugar noong Huwebes at nadismaya nang matuklasang tatlong linggo pa lamang nitong Agosto sinisimulan ang proyekto. Batay umano sa dokumento ng DPWH, nakasaad na natapos na ang proyekto at nabayaran na ang Wawao Builders noon pang Hulyo 2024.
“Ang tawag diyan patay na binubuhay, gustong isalba at takpan ang kanilang mga kalokohan,” wika ni Dizon. Dagdag niya, dapat sanang matapos ang proyekto sa loob ng 270 araw.
“Klarong-klaro na ghost project ito pero dahil sa nangyayari, hinahabol ngayon… Kahayupan na ito. Hindi tao ang mga taong ito,” ayon kay Dizon na nagpahayag ng matinding pagkadismaya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






