Trece Martires City, Cavite. Binaril at napatay ang isang deputy city prosecutor sa tapat ng kanyang bahay sa Elysian Field Subdivision, Brgy. Cabuco, lungsod na ito bandang 7:30 ng umaga kahapon.
Ang napatay ay kinilala ni Cavite PNP Director Arnold Abad na si Deputy Prosecutor Edilberto Mendoza.
Batay sa paunang pagsisiyasat, nakatayo ang piskal sa tapat ng kanyang bahay ng barilin sa ulo ng hindi nakilalang lalaki.
Ayon sa mga nakasaksi, ang suspek ay kampanteng naglakad palayo matapos barilin ang biktima.
Hinihinala ng pulisya na usapin sa lupa ang motibo ng pagpatay.
Kaugnay nito, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigations na magsagawa ng manhunt at alamin kung sino ang nasa likod ng krimen.
“Ang kalunos-lunos na pagkamatay ni ACP Mendoza ay malinaw na nagpapakita ng panganib sa buhay na kinakaharap ng ating mga tagausig sa pagganap ng kanilang mga tungkulin,” ayon kay Guevarra.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.