MAYNILA. Ibinunyag ni Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez na may ilang senador umano ang sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee nitong Martes, pinangalanan niya sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva bilang kabilang sa mga mambabatas na umano’y konektado sa naturang mga proyekto.
“Puwede po bang ‘wag ninyo na kong ibalik sa Senate, your honor? Kasi may mga involved pong senador dito,” pahayag ni Hernandez. Dagdag pa niya, “Hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko, kung ibabalik ninyo ko.”
Nitong Lunes, una nang ipinacite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee si Hernandez matapos niyang paulit-ulit na tanggihan ang mga alegasyon tungkol sa umano’y pagkakasangkot niya sa mga casino ventures.
Samantala, sinampahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman ang ilang contractors at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y nasa likod ng maanomalyang multi-billion-peso flood control projects.
Kasama sa kinasuhan ng Commission on Audit (COA) Chair Gamaliel Cordoba at Public Works Secretary Vince Dizon ang contractors na Wawao Builders, St. Timothy na pag-aari ni Sara Discaya, at Syms Construction Trading. Ayon sa reklamo, sangkot umano ang mga ito sa ghost projects at substandard flood control projects sa Bulacan.
Kabilang din sa mga pinangalanan sa kaso sina dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, kanyang assistant district engineer na si Hernandez, Project Engineer Paul Duya, at Construction Section Chief Jaypee Mendoza.
Ang pagsasampa ng kaso ay kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado hinggil sa naturang anomalya.
Nauna nang inihayag ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na pinilit umano sila ng mga tiwaling opisyal na makiisa sa maanomalyang bidding at magbigay ng malaking halaga ng pera kapalit ng kontrata. Gayunman, mariin itong itinanggi ng mga inakusahan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






