MAYNILA. Mariing tinanggihan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang panawagan na bitiwan ng militar ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang katiwalian sa mga proyekto sa flood control.
Sa isang magkasanib na pahayag nitong Biyernes, iginiit nina Teodoro at Brawner na tinatanggihan nila “ang lahat ng pagtatangkang gamitin ang Armed Forces of the Philippines ng ilang grupo na nagmumungkahi ng mga hakbang na hindi naaayon sa konstitusyon at unilateral na interbensiyon.” Binigyang-diin nila na ang 160,000-kataong militar ay nananatiling propesyonal, hindi kumikiling sa pulitika, at “sumusunod sa konstitusyon sa pamamagitan ng chain-of-command.”
Umuusbong ang kontrobersiya mula sa mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado sa mga umano’y substandard o hindi umiiral na flood control projects. Ilang mambabatas, opisyal ng public works at mga construction company ang idinadawit sa umano’y bilyon-bilyong kickbacks na ginamit umano sa marangyang pamumuhay at pagsusugal sa mga casino. Tinawag ni Marcos ang mga iregularidad na “horrible” kaya ipinahinto niya ang pondo para sa flood control projects sa susunod na taon at tinanggap ang pagbibitiw ng kalihim ng public works.
Mahalaga ang usapin ng flood control sa Pilipinas, isang bansang lubhang bulnerable sa mga bagyo at pagbaha. Tinatayang ₱545 bilyon ($9.6 bilyon) ang inilaan ng pamahalaan sa nakalipas na tatlong taon para sa libu-libong proyekto, ngunit kasalukuyang nire-review ang mga ito matapos lumabas ang mga alegasyon ng katiwalian.
Hindi kasing tindi ng mga naganap sa Nepal at Indonesia ang mga protesta sa Pilipinas, na nananatiling maliit at mapayapa. Mas malakas ang pagbatikos online, kabilang ang mula sa Simbahang Katolika, mga negosyante at ilang retiradong heneral. Sa isang rally, nanawagan ang isang tagapagsalita na kumalas ang militar ng suporta kay Marcos at iginiit ang isang mapayapang “people power” revolt na kahalintulad ng mga nagpatalsik kay Ferdinand Marcos Sr. noong 1986 at kay Joseph Estrada noong 2001.
Binalaan nina Teodoro at Brawner ang mga pagtatangkang ilihis ang atensyon ng militar: “At this critical juncture for our national security in the face of threats to our peace and regional stability, politically motivated attempts to distract the Armed Forces of the Philippines from focusing on its mission are not only futile but also irresponsible.”
Dagdag pa nila: “The strength of our republic rests on the rule of law and the unity of our people. At this crucial time, we call on every Filipino to place their trust in our democratic institutions, to respect our processes.”
Dalawang mataas na opisyal ng seguridad ang nagsabi sa Associated Press na wala silang namomonitor na banta ng paghihiwalay-loob mula sa militar o pulisya. Ayon naman sa isang confidential government assessment, bagama’t may mga grupong oposisyon na nakikisakay sa galit ng publiko, malabong magkaroon ng malaking “people power” uprising kung walang suporta mula sa militar.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






