Tigil-pasada laban sa korapsyon nakatakda sa Setyembre 17-19

0
420

MAYNILA. Nakatakdang ng nationwide tigil-pasada ang ilang transport group mula Setyembre 17 hanggang 19 bilang protesta laban sa umano’y malawakang korapsyon sa bansa.

Sa inilabas na abiso ng grupong Manibela, sinabi nilang magsasagawa sila ng tigil-pasada mula Miyerkules hanggang Biyernes, Setyembre 17-19. Pagkatapos nito, makikilahok sila sa martsa sa Luneta, Maynila sa Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa deklarasyon ng Martial Law.

Ayon sa grupo, layon ng protesta na manawagan ng pananagutan mula sa mga sangkot sa sinasabing maanomalyang flood control projects.

Samantala, inanunsyo rin ng grupong PISTON na magsasagawa sila ng sariling nationwide strike sa Huwebes, Setyembre 18.

“Mga kababayan, sa darating po na September 18 ay magdaraos po ng transport strike mula po sa hanay ng PISTON, batay po doon sa… laban po sa korapsyon,” ayon kay Teody Permejo ng PISTON.

Dagdag ni Permejo, magsisimula ang tigil-pasada ng kanilang grupo alas-5 ng madaling araw at isasagawa ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinaliwanag din niya na umaabot sa P12,000 kada buwan ang buwis na kanilang naiaambag mula sa kanilang hanapbuhay, ngunit ikinadidismaya nila na ito umano’y nalulustay lamang sa mga maanomalyang proyekto.

Nanawagan si Permejo sa kanilang mga kaalyado at maging sa mga hindi miyembro ng PISTON na makiisa sa protesta, dahil aniya, “lahat ay apektado sa naturang korapsyon.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.