BATANGAS CITY. Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Seaport Interdiction Unit, at Coast Guard K9 Unit ang hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P272 milyon sa isinagawang operasyon sa Batangas Port noong Martes, Setyembre 16, 2025.
Ayon sa mga awtoridad, natuklasan ang kontrabando na nakatago sa loob ng apat na audio speaker mula sa isang pribadong sasakyang minamaneho ng isang 30-anyos na lalaki na residente ng Cotabato City. Ang suspek ay bumaba umano mula sa isang passenger vessel na dumating sa pantalan.
Napansin ng mga operatiba ng PDEA ang kahina-hinalang hirap ng suspek sa pag-aangat ng isa sa mga speaker, dahilan upang magsagawa ng paneling check ang PCG K9 Unit. Nang siyasatin ng sniffing dog, nagpositibo ito sa presensya ng ipinagbabawal na gamot.
Sa karagdagang pagsusuri, nadiskubre pa ang iba pang kahon ng hinihinalang droga na nakasilid din sa loob ng mga speaker.
Agad na isinagawa ang imbentaryo at pag-iingat sa mga nakumpiskang ebidensya bago ito dinala sa PDEA National Headquarters sa Quezon City para sa masusing pagsusuri at tamang disposisyon.
Photo: Philippine Coast Guard

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





