ICC isiniwalat ang kaso laban kay Duterte, 78 biktima sa 49 insidente

0
552

THE HAGUE. Isiniwalat ng International Criminal Court (ICC) ang mga kasong kriminal na kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng 49 na insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na sakop ng tinatawag na war on drugs, na iniuugnay sa kanya bilang mga crimes against humanity, noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas.

Inilabas ng ICC noong Setyembre 22 ang pampublikong redacted na kopya ng Document Containing the Charges na may petsang Hulyo 4, 2025, isang araw bago ang nakatakda sanang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso sa The Hague. Gayunman, ipinagpaliban ang naturang pagdinig matapos igiit ng abogado ng depensa na si Duterte ay “not fit to stand trial.”

“The Prosecution charges the murders and attempted murders below, although the actual scale of victimization during the charged period was significantly greater, as reflected in the widespread nature of the attack,” ayon sa dokumentong nilagdaan ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang.

Tatlong bilang ng kaso ang nakapaloob:

  • Count 1: Pagpatay bilang krimen laban sa sangkatauhan sa Davao City, na kinasasangkutan ng 19 biktima sa siyam na insidente mula 2013 hanggang 2016, panahong si Duterte ay alkalde. Iniuugnay ito sa kanya bilang indirect co-perpetrator, at/o sa pamamagitan ng pag-utos, panghihikayat, o pagtulong.
  • Count 2: Pagpatay bilang krimen laban sa sangkatauhan laban sa tinaguriang mga “high-value targets” sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na kinasasangkutan ng 14 biktima sa limang insidente noong siya ay Pangulo mula 2016 hanggang 2017.
  • Count 3: Pagpatay at tangkang pagpatay bilang mga krimen laban sa sangkatauhan sa mga barangay clearance operations sa iba’t ibang lugar sa bansa, na kinasasangkutan ng 45 biktima 43 sa kanila ay napatay mula 2016 hanggang 2018, noong siya ay Pangulo.

Ayon sa dokumento, “Together, Duterte and his co-perpetrators established a network of perpetrators comprising State actors such as law enforcement officers (including personnel from the PNP, PDEA, the NBI and the Bureau of Corrections (“BuCor”)), non-police assets and hitmen (together, “the National Network”), to operate in a similar manner as the DDS in conducting operations to kill alleged criminals in accordance with the Common Plan.”

Ipinahayag din na ilang biktima ay kabilang sa tinawag na “PRRD List,” kung saan ikinategorya ang mga target batay sa kanilang “value” mula Level 1 hanggang 5. Ang mga pulis na nakapatay ng target mula sa listahang ito ay maaaring makatanggap ng covert reward system na nagkakahalaga mula ₱50,000 hanggang ₱1 milyon, depende sa antas ng target.

Para sa Count 1, inilarawan ang mga biktima bilang diumano’y mga kriminal gaya ng nagtutulak ng droga o magnanakaw. Sa Count 2, tinukoy ang mga biktima bilang mga “high-value” individuals na umano’y sangkot sa paggawa ng droga o mga sindikato. Sa Count 3, ang mga pagpatay at tangkang pagpatay ay isinagawa ng mga miyembro ng National Network sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Batay sa dokumento, ang mga pag-atake ay “widespread” at “systematic,” at nagpapakita ng malinaw na padron ng karahasan laban sa civilian population.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.