Alcantara nagbulgar ng mga pangalan; lahat ng DPWH projects sa Bulacan substandard ayon kay Brice

0
522

MAYNILA. Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, ibinulgar ni dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara ang mga pangalan ng ilang mambabatas at opisyal na umano’y nakinabang sa mga flood control projects sa kanilang distrito.

Pinangalanan ni Alcantara sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon, at Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.

Ayon kay Alcantara, si Bernardo ang tumulong sa kanya upang maitalagang district engineer ng Bulacan noong 2019. Simula 2022, sinabi niyang nagbaba si Bernardo ng pondo sa kanyang tanggapan na umabot sa P350 milyon, kapalit umano ng 25 porsyentong bahagi para sa mambabatas na nagpasulong ng proyekto.

Noong 2023, umabot sa P710 milyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong naibaba ni Bernardo sa kanyang opisina. Pagsapit ng 2024, tumaas pa ito sa P3.5 bilyon, kabilang ang P2.85 bilyong alokasyon mula sa unprogrammed appropriations.

“Dito ay nagkaroon ng pagbabago sa porsiyento ng proponent na ngayon ay umabot na sa 30% kapag flood control at 25% kapag ibang klaseng proyekto, na siya ko ding ibibigay kay Usec. Bernardo sa pamamagitan ng aking driver,” pahayag ni Alcantara.

Dagdag niya, sa taong 2025, umabot sa P2.55 bilyon (P1.65-B mula sa NEP at P900-M mula sa GAA) ang naibaba ni Bernardo sa kanilang district office.

Binanggit din ni Alcantara na noong 2020 ay humiling si Sen. Villanueva ng multi-purpose building na nagkakahalaga ng P1.6 bilyon, ngunit P600 milyon lamang ang naaprubahan. “Hindi ito ikinatuwa ni Sen. Joel kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec Bernardo,” aniya.

Ayon pa kay Alcantara, hindi umano interesado si Villanueva sa flood control projects. Gayunpaman, iniutos daw ni Bernardo na maglaan ng proyektong nagkakahalaga ng P150 milyon. “Ang halagang P150-M ay dinala ko sa isang resthouse sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan na iniwan ko po sa tao nya na si ‘Peng’. Sinabi ko kay Peng na pakibigay nalang kay Boss (Sen. Joel), tulong lamang iyon para sa future na plano niya. Pero hindi po nila alam na doon galing iyon sa flood control,” ani Alcantara.

Samantala, sinabi ni Alcantara na noong 2024 ay naglaan si Sen. Jinggoy Estrada ng P355 milyon para sa mga pumping station at flood control projects sa Bulacan, bagama’t nilinaw niyang wala siyang direktang ugnayan sa senador.

Ibinulgar din ni Alcantara na mula 2022 hanggang 2025 ay nakapagpatayo si Rep. Zaldy Co ng 426 proyekto na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P35.024 bilyon. Noong 2022, nakapagbaba rin si dating Rep. Mitch Cajayon-Uy ng P411 milyon na proyekto sa Bulacan.

Binanggit din niya ang pangalan ni Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, na umano’y humingi ng listahan ng flood control projects sa Bulacan noong 2022. Ayon kay Alcantara, nakapagpasok si Lipana ng mga proyektong nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, kung saan contractor umano ang kanyang asawa.

Lahat ng DPWH projects sa Bulacan substandard

Samantala, sa parehong pagdinig, inamin ni dating Bulacan 1st assistant district engineer Brice Hernandez na “substandard” ang lahat ng proyekto ng DPWH sa kanilang engineering office mula pa noong 2019, kabilang ang mga flood control structures, gusali, kalsada, at maging ang mga silid-aralan.

“Hindi po name-meet ‘yung eksaktong nasa plano, your Honor,” pahayag ni Hernandez.

Ayon kay Hernandez, nagsimula ang ganitong sistema nang dumating si Alcantara bilang district engineer noong 2019. “Wala pong tumama kung anong naka-specify sa plano. Hindi po na-meet lahat ‘yun. Lahat po [may porsyentuhan],” aniya.

Dagdag pa ni Sen. Bam Aquino sa pagdinig: “So may plano ang DPWH, merong budget ‘yan, pero dahil ang budget pinaghahati-hati ninyo, sa dulo, walang project na maayos na dumaan sa inyo, ‘yan ang testimony mo ngayon.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.