Super Typhoon Ragasa, nanalasa sa Hong Kong; Signal No. 10 itinaas, bilang ng nasawi sa Taiwan tumaas

0
764

HONG KONG. Nanalasa ang Super Typhoon Ragasa (Nando sa Pilipinas), na itinuturing na pinakamalakas na tropical cyclone sa mundo ngayong taon, sa Hong Kong nitong Miyerkules na may dalang hurricane-force winds at matinding ulan. Samantala, 14 na ang naitalang nasawi sa Taiwan dahil sa pagbaha.

Sa Hualien County, Taiwan, umapaw ang isang barrier lake at nagdulot ng biglaang pagbaha sa isang bayan matapos salantahin ng walang tigil na ulan na dulot ng bagyo, ayon sa Taiwan fire department. Simula Lunes, tinatamaan na ang Taiwan ng outer rim ng Ragasa na nagdala ng torrential rains sa buong isla.

Sa Hong Kong, halos walang tao sa mga kalsada matapos iutos ng mga awtoridad sa publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan. Malalaking alon ang tumama sa silangan at timog na baybayin ng lungsod.

“Areas which were previously sheltered may become exposed…seas will be phenomenal with swells,” ayon sa Hong Kong Observatory.

Taglay ni Ragasa ang hanging umaabot hanggang 200 kph at pinakamalapit ito sa lungsod sa mga susunod na oras, tinatayang nasa 100 kilometro sa timog ng teritoryo. Inaasahang mananatili itong super typhoon habang patungo sa Guangdong province ng China, na may higit 125 milyong residente, kung saan ito posibleng mag-landfall mula tanghali hanggang huling bahagi ng Miyerkules.

Dumaan na ang bagyo sa hilagang Pilipinas nitong Lunes at sa Taiwan nitong Martes.

Nagdulot din ng panic buying ang paparating na bagyo sa Hong Kong, kung saan pumila nang matagal ang mga tao sa supermarket at mabilis na naubos ang mga paninda. Maraming residente ang naglagay ng tape sa kanilang mga bintana upang mabawasan ang panganib mula sa basag na salamin.

Itinaas ng Hong Kong ang Typhoon Signal No. 10, ang pinakamataas na babala, na nag-aatas ng pagsasara ng mga negosyo at transportasyon. Naglabas din ng Amber rainstorm signal dahil sa patuloy na malakas na ulan, at ilang kalsada ang bahagyang binaha ayon sa South China Morning Post.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa posibleng pagtaas ng tubig-dagat na maihahambing sa pinsalang idinulot ng Typhoon Hato noong 2017 at Typhoon Mangkhut noong 2018. “The water level will reach the maximum around noon (0400 GMT),” ayon sa observatory, na posibleng umabot sa apat na metro.

Iniulat ng SCMP na isang babae at kanyang limang taong gulang na anak ang nahulog sa dagat matapos manood ng bagyo mula sa baybayin. Nailigtas sila ngunit kasalukuyang nasa intensive care.

Ayon sa pamahalaan, 49 pansamantalang evacuation centers ang binuksan at 727 katao na ang lumikas.

Samantala, mananatiling bukas ang Hong Kong Stock Exchange matapos baguhin ang patakaran noong nakaraang taon na ipagpatuloy ang kalakalan anuman ang lagay ng panahon.

Sa Guangdong, China, mahigit 770,000 residente na ang inilikas ayon sa state broadcaster na CCTV. Sa karatig-lungsod na Macau, itinaas din ang No. 10 warning signal nitong Miyerkules.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.