6 senador sabit sa flood scam, Zaldy Co di iimbitahin, Hernandez isinuko luxury cars, P4.7B assets ni Co frozen

0
419

MAYNILA — Patuloy ang pag-usad ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y maanomalyang flood control projects matapos ibunyag ni Atty. Raymond Fortun na anim na senador ang lumilitaw sa mga dokumento mula sa computer ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez.

Ayon kay Fortun, abogado ni Hernandez, apat sa mga naturang senador ay kasalukuyang nakaupo habang dalawa ay dating miyembro ng Senado. “The list can actually be longer, because Brice said there are more inside that computer,” ani Fortun sa panayam ng One News Storycon.

Kabilang sa mga nabanggit si Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, at dating Sen. Bong Revilla. Lumalabas din sa records na may ibang mambabatas na naglaan ng pondo para sa flood control projects sa unang distrito ng Bulacan.

Nagsimula ang usapin matapos mismong inspeksiyunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga depektibong flood control projects at pangalanan ang 15 contractors na nakakuha ng malalaking kontrata mula sa pamahalaan.

Inter-parliamentary courtesy para kay Zaldy Co

Samantala, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi papadalhan ng imbitasyon si Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co dahil sa “inter-parliamentary courtesy.”

“He (Co) is still a congressman… merong tradition voluntary he can appear and testify or manifest pero to send invite or subpoena hindi proper,” ani Lacson.

Gayunman, bukas umano ang Blue Ribbon Committee kung nais ni Co na personal na dumalo at ipahayag ang kanyang panig. Sa pagdinig noong Martes, sinabi ni Hernandez na nasa P1 bilyong cash na inilagay sa 20 maleta ang kanilang isinakay sa anim hanggang pitong van at dinala umano kay Co sa Shangri-La Hotel sa Taguig.

Hernandez isinuko ang mga luxury car

Kabilang din sa imbestigasyon ang pagsuko ni Hernandez ng kanyang mga luxury vehicles sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig. Isinuko niya ang kanyang P30-milyong Lamborghini Urus at P12-milyong GMC Denali, at nakatakda ring ipasa ang kanyang P58-milyong Ferrari at ilang motorsiklo.

“Nandiyan na din yung Ferrari pero kailangan dadalin yung eksperto kasi hindi ma-charge, hindi ma-start,” pahayag ni ICI Adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Dagdag pa rito, ibinigay na rin nina Hernandez at isa pang assistant engineer ang kanilang computer CPU na naglalaman ng listahan ng mga proyekto na iniimbestigahan ngayon ng Department of Justice (DOJ).

P4.7 bilyong air assets ni Co, pina-freeze ng DPWH

Samantala, hiniling ng DPWH sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mahigit P4.7 bilyong halaga ng aircraft assets na umano’y pagmamay-ari ni Co at ng kanyang kapatid na si Christopher Co.

Batay sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nakarehistro ang mga ito sa Misibis Aviation & Development Corp., na pinamumunuan ng anak ni Co na si Michael Ellis. Kabilang dito ang Gulfstream 350 na nagkakahalaga ng $36 milyon at Agusta Westland AW1399 na nagkakahalaga ng $16 milyon.

Mayroon ding hiwalay na $7.9-milyong halaga ng aircraft assets ang Hi-Tone Construction and Development Corp. ni Christopher Co, kabilang ang $6.9-milyong Augusta A109E.

Kasama rin sa pinapahintulutang ipa-freeze ang $2-milyong Bell 505 aircraft na nakarehistro sa QM Builders, isa sa Top 15 contractors na unang binanggit ni Pangulong Marcos Jr.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, humiling na rin sila ng full inventory mula sa CAAP, LTO, LRA, at MARINA hinggil sa lahat ng ari-ariang nakarehistro sa mga pangalan ng contractors at opisyal ng DPWH. “Hindi kami titigil hangga’t hindi nababawi ang pera ng taumbayan,” giit ni Dizon.

File Photo/Philstar

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.