DOJ hihingi ng Interpol Blue Notice vs Zaldy Co, deadline para sa kanyang pag-uwi itinakda

0
448

MAYNILA. Makikipag-ugnayan ang Department of Justice (DOJ) sa International Criminal Police Organization (Interpol) para humiling ng blue notice laban kay Ako-Bicol Party-list Representative at dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co, na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, may umiiral nang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) kay Co kaya namo-monitor ng gobyerno ang kanyang biyahe. Dagdag niya, may kapangyarihan ang DOJ na mag-request ng blue notice dahil pormal na iniimbestigahan ang kongresista.

Binanggit din ni Castro na maaari ring humiling ng parehong aksyon ang Senado, dahil dito unang lumutang ang pangalan ni Co. Lumabas ang pahayag matapos kumalat sa social media ang umano’y itinerary ng biyahe ng kongresista, kabilang ang pagpunta umano sa Spain at Singapore, kahit travel clearance lamang para sa medical treatment sa Estados Unidos ang ibinigay.

Sa ilalim ng blue notice ng Interpol, maaaring makalikom ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan, kinaroroonan, at aktibidad ng isang taong iniimbestigahan sa kasong kriminal.

Samantala, nagtakda ng ultimatum si House Speaker Faustino Dy III kay Co na hanggang Lunes, Setyembre 29, 2025 lamang para bumalik ng Pilipinas at harapin ang mga alegasyon.

Nagbabala si Dy na kung hindi makakabalik si Co, maaari itong humarap sa disciplinary at legal actions. Nilinaw ng Speaker na ang pagbawi sa travel clearance ng mambabatas ay hindi dapat ituring na prejudgment sa mga paratang, kundi pagbibigay ng pagkakataon na personal na sagutin ang mga isyu.

“The only proper way to address these matters is not through correspondence from abroad, but by returning, appearing at the proper forum, and answering the charges directly,” ani Dy.

Sa liham na may petsang Setyembre 25, tiniyak naman ni Co kay Dy ang kanyang kahandaan na umuwi at sagutin ang mga alegasyon. Binigyang-diin ni Dy na kapag nakabalik si Co, makikipag-ugnayan ang Kamara sa mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng kongresista at ng kanyang pamilya.

Nauna nang pinadalhan ng abiso si Co tungkol sa pagbawi ng kanyang travel clearance at pagbabalik sa bansa sa loob ng 10 araw.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.